“Nilukot na kontrata”

ANG KATAWAN NG KATAWAN NG TAO parang lastiko, wag mo masyadong banatin baka dumating ang panahon na mapigtas ito at hindi mo na maibabalik sa dati.

“Marami na akong nararamdaman na hindi maganda sa katawan ko hindi man lang ako mapatingnan sa doktor. Puro cream lang ang ibinibigay, ano namang magagawa nun?” pahayag ni Flornie.

Nagtatrabaho si Flornie Pagulayan bilang Household Service Worker (HSW) sa Riyadh.

Kwento niya lahat daw ng pinirmahan niya sa kontrata sa ahensyang Alhabeshi International Services ay hindi natupad.

Ang usapan daw nila apat na katao ang kanyang pagsisilbihan. May isang pahinga sa loob ng isang linggo.

Nang mabasa nun ni Flornie ang kontrata sumang-ayon siya dahil kaya niya ang magiging trabaho.

“Pagdating ko dun sa amo ko lahat ng trabaho ako ang gu­magawa. Sampung tao pala ang aasikasuhin ko. Dalawang pamilya ang pagtatrabahuan ko,” kwento ni Flornie.

Maliban sa dami ng kanyang gawain sa among si Abdulrahman Manna Sultan Al-anti halos hindi pa siya makapagpahinga dahil kailangan niyang matapos lahat bago siya matulog.

Habang tumatagal nakakaramdam na ng pananakit ng katawan si Flornie. Nung una ay sa balikat, hindi niya ito gaanong maigalaw kaya’t nakipag-usap siya sa amo para ipaalam ang kalagayan niya.

Sa halip na patingnan siya sa doktor binigyan lang siya ng cream nito para ipahid sa balikat.

“Tinanggap ko baka sakaling gumaling. Ilang araw na hindi pa natatanggal ang sakit ng balikat ko. Hindi ko na nga maitaas. Nagtrabaho pa rin ako,” salaysay ni Flornie.

Ilang araw ang nakalipas tiyan at tagiliran naman niya ang sumakit at nahihirapan na siyang tumayo ng maayos. Kinausap niya ang amo na kung pwede ay dalhin siya sa ospital para lang makapagpatingin.

Sa halip na pagbigyan siya binigyan lang siya ng gamot nito. Hindi siya gumaling at sa pakiramdam niya lalo pa itong lumalala bawat araw kaya kinulit niya ang amo.

Disyembre 15, 2015 nang magpatingin sila sa ospital. Dalawang beses daw siyang tinurukan pero hindi niya alam kung ano yung mga yun. Pag-uwi nila ng bahay pinagtatrabaho na siya ng amo dahil wala daw siyang sakit.

Nagtataka naman si Flornie kung totoong wala siyang sakit ano ang gamot na itinurok sa kanya.

Hindi din siya nakakain nun dahil ipinasok lahat ng kanyang amo sa sariling kwarto ang mga pagkain.

“Tumawag na ako sa ahensya ko pero parang wala lang sa kanila. Kung uuwi daw ako bayaran ko raw lahat ng nagastos ng amo ko. Wala naman akong nilabag sa kontrata namin sila pa nga ang may hindi sinunod,” wika ni Flornie.

****

Sa ibang kaugnay na reklamo, isang HSW naman sa Dammam na si Jocelyn Mashimo ang nagkatoon ng problema.

Ayon sa kanya ibinenta raw siya ng una niyang amo sa Bahrain. Ang bago niyang naging amo ay sina Khalid Mohammed Bujlai at Sahar Hmeed Alkurdi.

Tapos na dapat ang kanyang kontrata noong Nobyembre 2015 ngunit hindi pa siya pinapayagang umuwi ng amo.

Sagot sa kanya wala pa daw siyang kapalit. Matagal nang ipina­ngako ng DM Skyway General Services and Trading na magpapadala raw ito ng dalawang HSW ngunit hanggang ngayon wala pa.

“Ilang ulit na akong nag-text sa ahensya ko sa Pilipinas para matulungan ako pero hindi naman sila sumasagot,” ayon kay Jocelyn.

Gusto na raw umuwi ni Jocelyn sa Pilipinas dahil hirap na hirap na siya. Napakalaki raw ng bahay ng kanyang amo at mag-isa lang siyang naglilinis bawat araw.

Tiniis niyang magtrabaho sa loob ng dalawang taon para lang wag siyang pagbayarin ng paglabag sa kontratang kanyang pinirmahan.

“Kulang pa ang pasahod nila. Sabi kasi sa ‘kin 1,500 Riyals bawat buwan ang matatanggap ko pero ang ibinibigay lang nila ay 800 Riyals,” pahayag ni Jocelyn.

Kung aasa lang daw siya sa ahensya baka matagalan siyang makauwi dahil ilang ulit na siyang nakikipag-ugnayan dito ngunit hindi naman siya sinasagot.

Ibinigay ng kanyang kamag-anak ang aming numero kaya agad siyang tumawag para humingi ng tulong.

“Sana matulungan niyo po akong makauwi. Pagpalain po kayo ng Diyos,” sabi ni Jocelyn.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, madalas na nating marinig na ang isang HSW kapag nahihirapan na sa trabaho at nagsasabi ng uuwi ng bansa ang laging panakot ng ahensya at ng amo nila ay kailangan nilang magbayad sa lahat ng ginastos ng kanilang employer.

Sa unang kwentong aming itinampok marami nang nararamdamang hindi maganda si Flornie sa kanyang katawan. Dapat ang mga kontrata ng ahensya ay mahigpit din ipinatutupad.

Kapag ang ating kababayan ang sinasabihan na bawal ang saktan ang anak ng mga amo nila ginagawa nila lahat para mapahaba ang pasensya para di ito malabag.

Ang ahensya dapat din nilang protektahan ang karapatan ng kanilang mga pinaalis lalo na kung hindi na makatao ang kanilang ipinapagawa. Dalawang pamilya ang araw-araw mong aasikasuhin? Kahit sino susuko dyan.

Ang tungkol naman kay Jocelyn ang ahensya niya rin dapat ang maghanap ng kapalit niya para mabigyan siya ng ‘exit visa’ ng amo at makauwi na sa Pilipinas.

Upang matulungan ang dalawa nating kababayan nakipag-ugnayan kami kay Usec. Rafael Seguis ng Department of Foreign Affairs (DFA) para malaman kung ano ang pwedeng gawin para sila’y makabalik na sa Pilipinas.

Ipa-aabot din namin ito sa tanggapan ni Administrator Hans Leo Cacdac ng Philippine Overseas and Employment Agency (POEA) para maipatawag ang local agency na nagpa-alis sa dalawang HSW. Magkaroon ng tamang imbestigasyon at kung kailangan patawan ng parusa ay kanilang gagawin.

(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

Hotline: 09198972854

Tel. No.: 7103618

Show comments