‘Inuna ang iba’

Hotline: 09198972854

Tel. No.: 7103618

NASA IYO NA ANG KAPANGYARIHAN para matamo ang Hustisya dahil isinaalang-alang mo ang iyong pamilya isinantabi mo ang iyong sarili wag lang kumalam ang tiyan ng mga iyong naiwan.

“Minamaltrato ang asawa ko ng amo niya sa Riyadh, Saudi Arabia. Nung tumawag siya sa ‘kin iyak siya nang iyak. Sabi niya nagahasa daw siya ng amo niya,” ayon ni Toto .

Mula nang makausap ni Toto Pantoja ang misis niyang itatago namin sa pangalang “Marites” ay hindi na siya mapakali.

Agad siyang nagpunta sa ahensiya ng asawa na BM Skyway  General Services and Trading para ipagbigay alam ang nangyari dito.

Lahat ng sinabi sa kanya ng asawang si Marites ay isinalaysay niya dun.

“Nangako silang aaksyonan ang problema namin. Makikipag-usap raw sila sa ahensya dun sa Riyadh,” sabi ni Toto.

Kwento ni Toto, ika-12 ng Nobyembre 2015 nang gahasain ng amo si Marites. Hindi lang nito maidetalye kung paano nangyari dahil natatakot siyang mahuli ng amo.

Patago lang ito gumamit ng cell phone at nababahalang mahuli dahil baka mawalan pa siya ng komunikasyon sa pamilya. Dito lang kasi siya humihingi ng tulong at kay Toto lang ibinabalita ang mga nangyayari sa kanya.

Manyak daw ang amo nitong lalaki at ang asawa naman nito ay sobrang tapang. Kaunting pagkakamali niya lang ay nagagalit na sa kanyang asawa.

Sa sobrang pag-aalala ni Toto nagtanong siya sa ahensya kung ano na ang balita sa inilapit niyang problema sagot daw sa kanya ng  BM Skyway  General Services and Trading pinuntahan na raw doon si Marites at kinuha na sa amo.

Hindi naniwala si Toto  dahil na rin sa nababasa niyang mga reklamo tungkol sa ahensya na nagsisinungaling sa pamilya ng kanilang pinaalis.

Lumapit siya sa aming tanggapan para humingi ng tulong at masiguro kung nasaan na nga ba si Marites.

Agad naman kaming nakipag-usap sa Department of Foreign Affairs (DFA) kay Usec. Rafael Seguis.

Kinontak niya  ang ating embahada sa Riyadh upang maaksyonan ang problemang ito ni Marites.

Ibinigay namin sa kanila ang lahat ng detalye kabilang na ang pangalan ng ‘principal agency’ doon na Al Alami Recruitment.

“Hindi ko pa nakokontak ang misis ko para malaman man lang sana kung kumusta na ang kalagayan niya. Wala naman kaming ibang malapitan na pwedeng makatulong sa kanya kaya’t lahat ng paraan ginagawa namin,” salaysay ni Toto .

Makalipas ang ilang araw nagbigay sa amin ng report si Consul General Redentor Genotiva ng Riyadh.

Ayon sa kanya dinala si Marites ng anak ng bago niyang amo sa embahada.

Kinumpirma ni Marites na ginahasa siya ng una niyang naging employer na si Bandar Mohammad Salim Al Rashidi.

Ipinaliwanag nila kay Marites na kung sakaling magpasya siyang magsampa ng kaso laban dito ay aasistehan at tutulungan siya ng embahada.

Mas pinili ni Marites na huwag nang kasuhan ang kanyang naunang amo. Ayon sa kanyang salaysay na iniwan sa embahada, mas pipiliin niya na lang daw na magtrabaho sapagkat kailangan ng kanyang pamilya ang pera.

Kasalukuyan siyang nagtatrabaho sa among si Ateeq Al Enezi na nangakong aayusin ang kanyang transfer, Iqama at sasahuran ng USD 400 bawat buwan si Marites.

Inaasikaso naman nina Consul General Genotiva ang pagkuha ng ilang mga dokumento tungkol sa naunang employer ni Marites mula sa ahensya para mairekomendang ma-black list ito sa OCA-Visa, Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at DOJ-BOI.

“Salamat po sa tulong ninyo at sana ma-black list ang na­ging unang amo ng misis ko para wala na siyang mabiktimang iba. Nagpunta ang asawa ko dun para magtrabaho at hindi para pagsamantalahan niya,” pahayag ni Toto .

Ayon kay Toto  mas pinili na lang daw siguro ni Marites na huwag magreklamo dahil baka nahihiya itong ikwento ng paulit-ulit sa makakausap ang ginawang panghahalay ng employer nito.

“Mahirap din para sa kanya na makaharap pa ulit ang among yun. Na-trauma na rin siguro ang misis ko. Sa ngayon nasa maayos na siyang amo at nagpapasalamat kami sa inyo sa mabilis ninyong aksyon,” ayon kay Toto.

Maging si Toto ay nahihirapan na rin sa kalagayan ng misis, kung siya lang daw ang masusunod ay papauwiin niya na ito ngunit nagpasya na ang misis na ituloy ang kontrata sa ibang amo.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ang DFA at embahada natin sa Riyadh ay umaasiste sa ating mga kababayan na naaapi at minamaltrato doon. Ang tanging inilagay niya lang sa kanyang salaysay ay napagpasyahan niya ng magtrabaho dahil kailangan ng kanyang pamilya ng pera.

Nakakapagdedesisyon tayo na kung minsan ay mahirap tanggapin pero dapat gawin. Ang pagiging ulirang ina ay kahanga-hanga subalit kung sinasakripisyo mo na ang iyong mga karapatang ni­yurakan dapat ka ng umaray.

Walang sisisi sa ‘yo kung yan ang desisyon mo. Totoo bang ito na ang kagustuhan mo? Ganun pa man

Sa tulong ni Consul General Genotiva at sa aksyon ng Philippine Overseas Employment Administration POEA sa pamumuno ni Administrator Hans Leo Cacdac maaaring ma-ban itong si Bandar Mohammad Salim Al Rashidi at di na makakuhang muli mula sa ating mga recruitment agency.

Sa ‘yo Bandar maglampaso ka, maglinis, mag-alaga ka ng mga bata at magluto ng mag-isa mo.

(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

Maaari rin po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

Show comments