ABALA sa pagluluto si Jeny. Naipatong niya ang bagong biling cell phone sa mesa. Nakita ito ng kanyang pitong taong gulang na anak na babae.
“Mama, puwedeng hiramin ang bago mong cell phone. Magse-selfie lang ako.”
“Marunong ka bang mag-operate niyan?”
“Opo, camera lang naman po ang gagamitin ko”
Matapos magluto ay naalala ni Jeny na tawagan ang kanyang ina upang ibalita na dalawang araw na silang nakalipat sa apartment na kinaroroonan nilang mag-ina sa kasalukuyan. Single mother siya na may anak na babae. Luma ang apartment pero maayos naman at mura lang ang upa kaya kinuha niya kahit may bali-balita na haunted daw iyon. Hindi siya pumasok sa trabaho nang araw na iyon dahil hindi pa dumarating ang maid na kinuha niya sa agency. Walang makakasama ang kanyang anak. Pangako ng agency ay kinabukasan pa ang dating nito.
Pinuntahan niya ang anak na nasa bedroom. Napagod siguro sa kase-selfie kaya nakatulog. Kinuha niya ang cell phone na nakapatong sa gilid ng kama. Bago idayal ang numero ng kanyang ina, binuklat muna niya ang mga selfie kinuha ng anak.
Hindi picture ng anak ang bumulaga sa kanya kundi mga imahe ng mga nakakatakot na mukha. Ginising niya ang anak.
“Anak, ano ang mga litratong ito?”
Napahawak ang kanyang anak sa bibig nito na tanda ng pagkabigla.
“Nag-selfie lang po ako at kinunan ko lang ang paligid ng bedroom at salas. Wala po ang mga iyan kanina. Paano po nagkaroon ng ganyang mga mukha?”
Pinagde-delete ni Jeny ang lahat ng pictures pati ang selfie ng anak. Kinabukasan, napasigaw siya sa sobrang gulat. Pagbukas niya sa cell phone ay naroon ulit ang mga nakakatakot na mukha sa kanyang cell phone. Dali-dali niyang binura ang images at pinatay ang cell phone. Kasama ang anak, pinuntahan niya ang may-ari ng apartment. Binabawi niya ang kanyang ibinayad. Ayaw na niyang tumira sa apartment.
Pinamumugaran ang apartment ng bad spirits. Patunay ang tatlong litrato na basta na lang lumutang sa cell phone. Ang matang nakadilat, ang lalaki sa tabi ng lamp shade, at maitim na imahe sa salamin habang nakatalikod ang kanyang anak. Buti na lang, ibinalik sa kanila ang pera. Hinintay lang nila ang pagdating ng maid at noon din ay nilayasan nila ang apartment. Kusang nawala sa cell phone ang mga nakakatakot na mukha.