NAPATUNAYANG sinungaling sina P-Noy, admin presidential candidate Mar Roxas, Transport Sec. Joseph Emilio Abaya, NAIA general manager Jose Angel Honrado, Office of Transport Security chief Roland Recomono, at PNP Aviation Security Group chief Pablo Francisco Balagtas. Panay ang tanggi nila sa “tanim bala” extortion racket sa NAIA. Kesyo raw sobrang mapamahiin ang mga Pilipino kaya nagdadala ng bala sa carry-on bags para kontra sa masamang espiritu, o kaya iresponsableng nalilimutan ang ibinulsang bala habang nasa firing range. Kesyo umamin na lang daw ng sala lahat ng mga inaresto. Kesyo raw kasalanan lahat ng media ang kontrobersiya, dahil blown out of proportion ito. Kesyo raw sinisiraan lang ang imahe ng P-Noy administration at ng presidential candidacy ni Roxas.
Supalpal sila ngayon. Nagsisilantad na ang mga biktima at pasumpang isinasalaysay kung paano sila kinikilan. Iisa ang pattern. Tinamnan ng mga tiwaling x-ray security screeners ng bala sa bags, tapos ay tinakot na kakasuhan ng illegal possession of ammunition, kaya maabala nang husto at mao-offload mula sa flight, kaya mas mabuting maglagay na lang ng P30,000.
Isa sa mga unang lumaban sa extortionists si Nanay Gloria Ortinez, 56, na pabalik sana sa Hong Kong kung saan 22 taon na siyang domestic. Transit passenger lang siya sa NAIA mula Laoag airport, kung saan sa dalawang x-ray inspections ay wala naman nakitang bala sa kanyang bag. Miski sa unang x-ray sa NAIA ay “all clear” si Nanay Gloria. Ngunit sa final x-ray bago sa boarding gates ay biglang may .45-caliber bullet kuno sa kanyang bag.
Dahil nag-iskandalo si Nanay Gloria sa pangyayari, hindi nila nakuhang kikilan siya. Sa halip tinuluyan siyang kasuhan. (Itutuloy)
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).