EDITORYAL - Daming apektado ng APEC
SA isang linggo na ang Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) na dadaluhan nang matataas na lider ng bansang miyembro na kinabi-bilangan ni US President Barack Obama, Russian President Vladimir Putin, Chinese President XI Jinping at marami pa. Apat na araw na walang pasok ang mga eskuwelahan at empleado ng gobyerno samantalang dalawang araw sa mga pribadong kompanya.
Gusto ng pamahalaan na maging maganda sa paningin ng mga lider ng ibang bansa ang Pilipinas kaya naman lahat nang hindi magandang makikita ay sinisikap na maitago. Pinaganda ang mga kalsada sa paligid ng Ninoy Aquino International Airport, Roxas Blvd. at ang patungo sa Malacañang. Pininturahan ang mga pader at mga barriers. May mga tinakpan ding bahagi ng ilang kalsada para hindi makita ng mga lider na darating.
Ang trapik na araw-araw ay problema sa Metro Manila ay mayroon nang solusyon para hindi maabala ang mga delegado sa APEC. Kapag dadaan ang mga delegado, patitigilin ang mga motorista hanggang sa makalampas ang convoy. Bawat dadaanang kalsada ng APEC delegates ay STOP and GO. Maraming mangangasiwa para hindi maaabala ang mga bisita. At siguro para hindi na rin mahalata ng world leaders na sobra ang trapik sa Metro Manila.
Maraming ipatutupad na pagbabago para maipakita sa mga lider ng bansa na ang Pilipinas ay potensiyal para paglagakan ng investment. Kung makikita ang kaayusan sa Metro Manila, maaari silang mahikayat na muling dalawin ang bansa. Uunlad ang turismo.
Wala namang masama sa mga ginagawang ito ang hindi lang maunawaan ay ang pagkansela sa 211 flights sa NAIA. Ang pagkansela ay malaking kawalan sa mga paparating na balikbayan at turista. Malaki ang malulugi. Bakit hindi gamitin ang Diosdado Macapagal International Airport (DMIA) sa Clark, Pampanga? Nagkamali yata ang mga nagplano at sa halip gamitin ang DMIA ay kinansela na lamang ang flights. Mula November 17, 19 at 20 ay no-fly zone ang NAIA.
- Latest