KAHAPON (Nobyembre 5, 2015) ang itinakdang petsa sa cigarette companies para ilagay sa pakete ng mga sigarilyo ang mga larawan ng sakit na nakukuha sa pagyoyosi. Subalit walang nakitang pagbabago sa mga kaha ng sigarilyo. Walang mga retrato roon o kahit ang babala na ang paninigarilyo ay nagdudulot ng cancer.
Malinaw na binabalewala ng mga kompanya ng sigarilyo ang nakasaad sa Republic Act 10643 na nilagdaan ni President Noynoy Aquino noong nakaraang taon. Nakasaad na inaatasan ang mga kompanya na lagyan ng graphic warnings ang mga pakete ng sigarilyo at dapat naka-print na ito sa Nobyembre 5, 2015. Kabilang sa mga ilalagay sa kaha o pakete ng sigarilyo ay mga retrato ng sakit na nakukuha sa paninigarilyo gaya ng cancer sa baga, lalamunan, bibig, pisngi, dila, emphysema, katarata at sakit sa puso.
Ang hindi pagsunod sa batas ay nagpapahiwatig na may sinasandalan ang mga kompanya ng sigarilyo kaya hanggang ngayon, wala pang nakikitang graphic warnings sa mga pakete ng yosi. Maaring nakakuha ng simpatya ang cigarette companies sa Department of Trade and Industry (DTI). Umano’y nagla-lobby ang mga kompanya ng yosi sa DTI para maatrasado o huwag nang mailagay sa pakete ang graphic warnings.
Kahapon, nagpahayag ng pangamba ang mga cancer survivors (mga dating naninigarilyo) na hindi masunod ang batas na nilagdaan ni P-Noy. Bukod sa mga retrato ng sakit, obligado rin ang mga cigarette companies na ilagay ang mga mensahe na nagpapaalala na masama sa kalusugan ang paninigarilyo. Ayon sa Department of Health (DOH), 87,600 Pilipino ang namamatay taun-taon dahil sa mga sakit na nakukuha sa paninigarilyo. Nasa panganib din umano ang mga taong laging nakakalanghap ng usok ng sigarilyo.
Sa Southeast Asia, tanging ang Pilipinas na lamang ang walang graphic warning sa kaha ng sigarilyo. Sa ginawang pag-aaral, maraming tumigil sa paninigarilyo nang makita ang nakaririmarim na sakit na nakalarawan sa kaha ng yosi. Nabawasan ang bilang ng mga nagyoyosi sa Thailand, Australia at Canada.
Ipatupad ang RA 10643. Huwag balewalain ang batas.