Sa loob nagaganap ang pagtanim ng bala

SA wakas, kumilos na ang Palasyo sa isyu ng “tanim-bala”. Inutusan na ni President Aquino si DOTC Sec. Emilio Abaya na imbestigahan nang husto ang pambibiktima ng mga pasahero sa NAIA na tinataniman ng bala. Kapag “nahulihang” may bala ang bagahe, dito na kumikita ang mga tauhan ng NAIA, partikular ang mga tauhan ng Office of Transportation Security (OTS) na talagang wala nang tiwala ang taumbayan kahit ano pa ang sabihin nila. Masyado nang marami ang insidente ng mga nahuhulihan umano ng bala sa NAIA, hindi na puwedeng ibalewala ng Palasyo. Tila “panic planting” na nga ang nagaganap dahil sa umiinit na ang isyu. Baka tuluyan nang mawala ang hanap­buhay ng mga kawatan sa NAIA kaya lahat nang puwedeng pagkakitaan ay binibiktima na, kahit mga senior citizen na babae. Sino ang maniniwala diyan?

Ayon sa isang nagsalita sa ABS-CBN, matagal nang ginagawa ang “tanim-bala” na iyan sa NAIA. Ayon sa kanya, ang mga nagtatanim ng bala ay umiikot sa loob ng airport para maghanap ng mada­ling biktima. Kapag may nakita, dito na ginagawan ng paraan para taniman ng bala ang bagahe. Sanay ang mga ito, mga mandurukot siguro, at kadalasan ay may kasabwat para malibang ang pasahero habang tinataniman na ng bala ang bagahe. Kaya kapag dumaan na sa inspection bago makapasok sa pre-departure area, dito na madidiskubre ang bala. Marami ang nagbabayad na lang ng pera, P500 daw ang madalas na “multa”, para makaalis na lang nang walang aberya. Pero dahil may mga umaalma na ngayon, ngayon lang nasisiwalat ito. Kung sa loob nga ng airport nagaganap ang pagtatanim, puwedeng sabihin na kasabwat na lahat ng tauhan ng NAIA sa krimeng ito dahil kung hindi naman pala pasahero, paano nakakapasok ng NAIA, at paano nakakalabas kapag tapos na ang trabaho nila sa pagtatanim ng bala?

Kung ganito nga ang sistema ng “tanim-bala” na iyan, malinaw ang kailangang gawin ng gobyerno. Walang silbi ang karagdagang CCTV na nakatutok sa mga nag-iinspeksyon kung ang pagtatanim ng bala ay nagaganap sa ibang lugar. Dapat tanggalin na ang OTS. Kung walang kasabwat ang mga nagtatanim, wala silang silbi. Ang Presidente na ang magsasabi kung anong ahensiya ang hahawak ng security ng NAIA, pero dapat buwagin na ang OTS. Wala nang tiwala ang tao, kaya ano pa ang kanilang tulong sa bansa?

At tulad ng nasabi ko na, kailangang labanan ang mga kriminal na ito sa NAIA. Balutan ng plastic o tape ang mga bag, partikular ang mga may maraming bulsa. Huwag ipahahawak kanino man ang mga bagahe. Kaya siguro maraming matandang nahuhulihan ng bala ay dahil may “tumutulong” sa kanila magdala ng bag. Bantayang mabuti ang mga bagahe. Huwag magtiwala kanino man, kahit taga-NAIA pa.

Show comments