PAIKUT-IKOT, wala namang pinatutunguhan ang mga balita sa tanim-bala sa Ninoy Aquino International Airport.
Sa kabila ng matinding pangamba at takot na bumabalot sa isang uring terorismo sa NAIA, naninindigan pa rin ang administrasyon at pamunuan ng airport, isolated case lang daw ang sunod-sunod na pagpaplanta ng bala.
Mismong si Pangulong Noy Aquino tahimik sa kontrobersiya. Manhid, walang pakialam. Ayaw kondenahin ang tanim-bala. Ni hindi man lang nakaringgan ng anumang pahayag.
Kung mayroon mang pilit nagpapaganda ng imahe ng administrason ngayon, ‘yun ay si Presidential Spokesperson Edwin Lacierda na namamaga na ang mukha sa harap ng mikropono at kamera. Wala raw sindikato sa NAIA.
Lumalabas, media lang ang nagpapalawak ng isyu at ang tanim-bala, produkto lang ng imahinasyon ng mga pobreng nabiktima.
Tulad nang paulit-ulit kong sinasabi sa aking programang BITAG Live simula pa noong Setyembre, dapat may gumulong na ulo sa NAIA.
Ang problema, mismong general manager ng Manila International Airport Authority (MIAA) na si Jose Angel Honrado, ‘untouchable.’
Kung dati may Alan Purisima sa malagim na sinapit ng SAF44, may Honrado naman ngayon si P-Noy sa tanim-bala.
At sa halip na magbigay ng katiyakang ligtas ang mga pasahero sa NAIA, anlakas pa ng loob nito na humarap sa publiko at sa media.
Hindi raw bababa sa pwesto si Honrado hanggat hindi sinasabi ng kanyang pinsang si Pangulong Aquino na naglagay sa kanya sa pwesto.
Sa mga naglalabasan at maglalabasan pang moro-moro at pangtutsubibo ng administrasyon sa isyu ng tanim-bala, hindi na ako magtataka kung sa mga susunod na araw, isa sa kanilang mga kapartido sasabihing ang tanim-bala ay paninirang-pulitikal lamang o demolition job para pumangit ang kanilang imahe sa publiko.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas-10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.