KATULAD ng mahigit na 130 sira-ulo na nag-file ng candidacy para pagka-Pangulo nitong nakaraang linggo, kaululan din ang dami ng nagpa-accredit para sa party-list voting. Mahigit 130 sila na nag-file sa Comelec. Lahat nangangarap na makapag-paupo ng isa hanggang tatlong kongresista. Pero halos lahat ay hindi kuwalipikado, dahil hindi totoong kumakatawan sa marginalized sector na umano’y itinataguyod.
Anang Konstitusyon, ang Pilipinas ay pinagsamang presidential at multiparty system, dalawang magkataliwas na sistema. (Pinagsanib ito dahil sa pag-aapura ng 1986 Constitutional Commission na wakasan na ang mga sesyon; kumbaga, produkto ito ng masamang ugali ng Pilipino na “Puwede na ‘Yan.”) Bilang multiparty, saad din ng Saligang Batas na 20% ng Kongreso ay halal batay sa sectoral o regional party imbis na sa congressional district. Anomang partido ang makakalap ng 3% ng boto ng madla ay magkakaroon ng representative.
Pero sa Pilipinas, hindi serbisyo publiko kundi negosyo ang pagiging kongresista. Nagsisikohan ang mga partido para makasingit sa party-list voting. At dahil alphabetical ang paglista ng Comelec sa balota, halos lahat ng partido ay pinangalanan nang nagsisimula sa letrang “A” o “B”. At dahil sa computer ay inuuna basahin ang numero bago ang letra, nilagyan na rin nila ang mga pangalan ng “1”. Halimbawa, “1-Akyat Bahay.”
Mas sira-ulo ang ating mga pinuno sa pagpapanatili ng sistema ng kaulolan. Tuwing tatlong taon ng congressional elections, kung ano-anong nagbabalatkayong partido ang sumasali, pero hinahayaan lang nila. Wala sa kanilang nagtatangka na alisin na lang ang party-list voting, na sanhi lang ng raket ng sindikatong nagluluto ng boto sa loob mismo ng Comelec.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).