May kolorum na sa Uber?
PINAGMUMURA at gusto pang paluin ng tubo ang isang babaing pasahero ng drayber ng Uber na sasakyan na kanyang inarkila. Nagalit daw ang drayber at hindi raw tama ang ibinigay na address. Eh paano pala siya nakara-ting sa pasahero? At ano ang kanyang karapatan magalit ng ganyan? Nasa tamang pag-iisip ba ang drayber? Dahil sa insidenteng ito, pinasasagot ng LTFRB ang Uber sa aksyon ng kanilang drayber, at nalalagay na naman sa pagsiyasat ang kumpanya. Pero lumalabas na colorum pala ang sasakyan at drayber. Hindi rehistrado sa ilalim ng Uber ang sasakyan at drayber. Bakit siya nakalista sa Uber? Bakit siya naarkila ng pasahero?
Kakasuhan daw ng pasahero ang drayber. Dapat lang. Banta sa kanyang buhay ang naganap. Ganito ba ang peligrong maaaring harapin ng mga pasahero ng Uber nga-yon? Mga drayber na walang galang, bayolente at baka may sayad pa sa ulo? Ano pala ang benepisyo ng Uber kung ganitong drayber naman ang makukuha mo? Akala ko ba kaya may Uber ay para may mapagpiliang sasakyan na maayos, ligtas sa krimen at magagalang ang drayber. Lahat ng ayaw mong makita sa isang drayber ay ipinakita ng drayber ng Uber na ito.
Napakaraming kailangang ipaliwanag ng Uber sa insidenteng ito. Kolorum pala, eh bakit nakapagbiyahe? Nangyari ito habang libu-libo pa ang nais magparehistro sa nasabing kumpanya. Dahil dito, kailangan may proteksyon na rin ang mga pasaherong aarkila sa Uber. Dapat may mga patunay na dala na sila ay opisyal na rehistrado sa lahat ng kinauukulang ahensiya at Uber o kung ano pang kumpanya diyan ngayon na ganito rin ang negosyo. Baka hindi magtagal pasukan na rin ito ng mga kriminal na sindikato.
Siguro naman hindi na ito makakamaneho ng pampublikong sasakyan, o baka dapat tanggalan na ng lisensya panghabambuhay. Kung hindi lang umano nabigyan ng tamang direksiyon ay mamamalo na ng tubo, paano pa kung may makagirian sa kalsada? Baril na ba ang ilalabas? Hintayin pa ba natin ang balitang may nangyari na ngang ganyan bago umaksyon?
- Latest