EDITORYAL - Maging alerto pa ang mga pulis

MARAMI nang nangyaring pangho-hostage kung saan, napapatay ang hostages at ang nang-hostage. Isang halimbawa ay ang pangho-hostage sa Hong Kong tourists ng isang pulis noong Agosto 22, 2010 kung saan walo sa mga ito ang napatay. Napatay din ang pulis na nanghostage. Sa hostage na iyon ay hindi malaman ng Manila Police District (MPD) ang gagawin kung paano mapapasuko ang hostage taker. Hindi ma­laman ng mga SWAT kung paano papasukin ang bus. Inabot ng walong oras ang hostage taking bago napatay ang hostage taker, pero napatay din ang walong turista.

Ang pangyayaring iyon ay nagbigay ng leksiyon sa MPD kaya nang may manghostage ng isang estudyante sa isang bus noong Huwebes, agad nilang naresolba ang krisis. Nakaresponde agad ang MPD at napatay ang hostage taker. Sa loob lamang ng 30 minutos ay natapos na ang hostage taking. Ayon sa mga pulis, habang nakatutok ang patalim ng lalaki sa estudyante, sinamantala iyon ng isang pulis ay binaril ang hostage taker nang masilip ito sa bintana. Bumulagta ang hostage taker at nabitiwan ang estudyante.

Mabilis ang pagkaresponde ng mga pulis at maayos ang plano para maresolba ang hostage taking. Nagkaroon na nga sila ng leksiyon sa nangyaring hostage taking noong 2010. Namulat na sila at hindi na dapat maulit ang nangyari.

Paigtingin pa ng pulisya (hindi lamang taga-MPD) ang pagpapatrulya para lalong mapanga­lagaan ang mamamayan. Ngayong palapit na nang palapit ang Kapaskuhan, tiyak na maglilipana na naman ang mga masasamang-loob para mambik­tima. May mga nanghoholdap ng bus, gasolina­han, 24-hour fast foods, at convenience store, may nang-aagaw ng cell phone at namimitas ng hikaw.

Sabi ni PNP chief Director General Ricardo Marquez paiigtingin ang police visibility­ para mapangalagaan ang mamamayan. Sabi niya: “Ako’y naniniwala na ang pagpapatrolya ng kapulisan sa mga komunidad ay nagdudulot nang maraming benepisyo. Pag palaging nakikita ang kapulisan sa isang komunidad, magdadalawang-isip ang sinuman na gumawa ng krimen.”

Show comments