Ano ba talaga Mayor Digong?
HELE-hele bago kiyere. Isang matandang kasabihan na ang ibig sabihin ay, kunwari ayaw pero gusto. Sa ibang salitang Tagalog – nagpapakipot.
Iyan ang impresyon ko at ng maraming tao kay Davao City Mayor Rodrigo Duterte. Oo nga at may mga pahayag na hindi siya tatakbo sa pagka-pangulo. Pero sa kabila niyan, makikita ang mga billboards at posters niya sa maraming panig ng bansa. Bukod pa riyan ang mga radio-tv ads. Iyan ba ang walang balak tumakbo?
Sasabihin siguro niya na ang mga campaign materials ay kagagawan ng mga supporters na naniniwala at nagtutulak sa kanya na kumandidato. Pero sorry, hindi ko paniniwalaan iyan. Kung ako siya at seryoso akong hindi kakandidato, ako mismo ang pipigil sa mga inilalabas na anunsyo na nagpapahiwatig sa kanyang pagtakbo.
Sa larangan ng advertising, gumagamit ng reversed psychology. Totoo naman na marami ang may gustong siya ay tumakbo at sa sikolohiya ng tao, habang ang kursunada mo ay umaayaw sa iyong panukala, lalu ka namang nagiging agresibo na suportahan siya.
Dalawa na ang pursigidong mag-bise presidente niya: Sina Senador Alan Peter Cayetano at Sen. Bongbong Marcos. Pareho ang dalawang ito. Walang tinutukoy na tatambalan nilang pangulo pero malakas ang pahiwatig na ito ay si Duterte. Kapwa rin sila naniniwala na sila ang susuportahan ni Duterte sa kanilang vice presidential bid.
Si Cayetano ay nagdeklara ng kanyang kandidatura mismo sa Davao City na balwarte ni Duterte. Si Marcos naman ay idinaan lang sa isang press statement ang intensyong tumakbo sa pagka-bise presidente.
Pero sino nga ba sa kanilang dalawa ang pipiliin ni Duterte? May napalathalang balita na tutuldukan na ni Duterte ang palaisipan sa kanyang kandidatura sa sandaling magdeklara siya ng kanyang pagtakbo sa pagka-pangulo. Ang tanong ay saan gagawin ang deklarasyon? Ayon sa balita, ito ay isasagawa sa Paoay na balwarte ng mga Marcos. Kaya sa balitang ito’y mahihinuha mo na kung sino ang magiging running mate ni Duterte. Pero mahirap magsalita ng tapos kasi baka ito’y isa lang press release.
- Latest