EDITORYAL – VIP treatment sa bilangguan
KARARATING pa lamang ng magkapatid na Joel at Mario Reyes sa Puerto Princesa City jail sa Palawan noong Sabado ay mayroon na agad nakitang iregularidad sa kanila at hinayaan naman sila ng warden doon. Parang hindi sila mga akusado sa isang krimen nang magpatawag ng press conference sa jail. Ayon sa Department of Justice, mahigpit na ipinagbabawal ang pagpapatawag ng presscon ng mga detention prisoners at tanging korte lamang ang magbibigay ng pahintulot sa mga ito. Ayon sa report, mahigit isang oras ang presscon ng magkapatid na Reyes na ginawa mismo sa loob ng jail. Depensa naman ng jail warden ng jail na si Senior Insp. Don Paredes, ambush interview lang daw ang nangyari at hindi presscon. Marami raw naghihintay na mamamahayag sa pagdating ng Reyes Brothers sa bilangguan. Sinibak na si Paredes noong Linggo sa puwesto at posible pa siyang makasuhan, ayon sa DOJ.
Nahuli ang magkapatid na Reyes sa Phuket, Thailand noong nakaraang linggo. Ang magkapatid ay suspected masterminds sa pagpatay sa broadcaster-environmentalist na si Gerry Ortega noong Enero 2011. Si Joel Reyes, 63, ay dating governor ng Palawan samantalang si Mario Reyes, 54, ay mayor ng Coron, Palawan. Ayon sa Thai authorities, isang tip mula sa Interpol na nalathala sa Bangkok Post ang naging daan para maaresto ang magkapatid. Inamin ng dalawa na umalis sila ng Pilipinas noong 2012 makaraan iisyu ang warrant of arrest laban sa kanila.
Naaamoy ang VIP treatment sa magkapatid kaya nararapat lamang na sibakin ang warden. Kung hindi nasibak, baka buhay-malaya rin ang kondisyon ng mga akusado. Umano’y malawak ang kulungan ng dalawa at may sariling electric fan at comfort room samantalang ang iba pang detainee ay nagsisiksikang parang sardinas sa maliit na selda. Ayon pa sa report, humihirit ng hospital arrest ang Reyes Brothers subalit ang Malacañang mismo ang nagsabi na hindi pagbibigyan ang hiling ng mga ito.
Dapat pantay-pantay ang turing sa mga bilanggo – walang mayaman, walang mahirap. Nagiging kalakaran na sa mga bilangguan sa bansang ito na kapag may pera at maimpluwensiya ang bilanggo, ay may VIP treatment. Hinahayaan ng corrupt na warden at jailguards sapagkat nakikinabang sa mayamang bilanggo.
- Latest