Recycling pa rin ang sagot
NAPANOOD ko muli ang “WALL-E” noong isang araw. Isa ito sa mga paborito kong palabas na ginawa ng Pixar, isang kumpanyang kilala para sa mga magagandang animation na sine tulad ng “Toy Story”, “Up”, “Monsters Inc.”, “The Incredibles”, “Cars” at “Finding Nemo”. Sakwento ng “WALL-E”, wala nang tao sa mundo dahil sa natabunan na ng basura ang buong planeta. Napilitang umalis na ang mga natitirang tao para manirahan na lang sa isang malaking spaceship, at para maghanap ng bagong planetang matitirahan. Napaisip lang ako sa tema ng palabas. Bundok-bundok na basura, na wala nang mapaglagyan kaya pati mga siyudad at tahanan ay natabunan na.
Kung babaybay ng Metro Manila, tila ganito na nga ang nangyayari. Mga basurang hindi nakokolekta at pinababayaang mabulok na lang kung saan-saan. Kapag umulan nang malakas, maaanod lang at magsisimulang magbara ng mga kanal at estero. Ang resulta? Baha. Ang mga nakokolektang basura naman ay nauubusan na rin ng matatambakan. Kung may mga planong bagong landfill na buksan, natural na nagrereklamo ang mga naninirahan malapit dito. Ang mga basurang itinatapon naman sa dagat ay bumabalik lang kapag bumagyo, kaya doble trabaho lang.
At nandyan pa rin ang napakaraming basurang galing Canada na tila walang magawa ang gobyerno para maibalik ito sa kanila. Napaka-walanghiyang magagawa ng isang bansa ang magtapon ng kanilang basura sa ibang bansa. Kaya ano ang solusyon? Meron nga ba? O mangyayari na rin sa mundo ang nangyari sa”WALL-E”? Kung mangyari naman iyan, may teknolohiya naman kaya para makaalis na ng mundo at manirahan sa ibang planeta?
Ang sagot lang diyan ay recycling. Ang mga materyales na ginagamit para sa paggawa at pambalot ng anumang bagay ay dapat nagagamit muli, o puwedeng maproseso para magamit muli. Alam ko may mga namimili ng bakal, papel, plastic na bote, aluminyong lata at kung anu-ano pa para ma-recycle. May pera nga daw sa basura. Pero sana mas marami ang nag-poproseso nito. Ang madalas na dahilan at balakid na rin sa recycling ay dahil mas mahal daw kumpara sa gumawa na lang ng bago. Maaaring tama nga iyan. Pero ang dapat tingnan ay ang benepisyo sa lahat. Bawas kalat, bawas basura, bawas amoy, bawas baha at marami pa. At hindi malayo mangyari na wala nang mapaglalagyan talaga ng mga basura ng tao. Ano na ang mangyayari kapag ganun na nga? Hindi naman tayo bansa na nagpapadala ng basura sa ibang bansa.
- Latest