Carpal Tunnel Syndrome: Manhid na kamay
(Part 2)
ANG Carpal Tunnel Syndrome ay isang sakit ng mga taong laging ginagamit ang kanilang kamay. Ang sintomas nito ay ang pamamanhid ng palad dulot ng pagkaipit ng isang ugat, ang Median Nerve, sa lugar ng ating wrist.
Para makaiwas sa Carpal Tunnel, heto ang ating dapat gawin:
1. Ipahinga ang kamay kada oras habang nagtatrabaho.
2. Bawasan ang lakas at puwersa ng kamay.
3. Huwag i-bend ang kamay. Kapag mali ang posture ng iyong kamay, puwedeng maipit ang median nerve. Dapat ay deretso lang ang wrist kapag nagta-type.
4. I-ehersisyo ang kamay. May espesyal na ehersisyo para sa Carpal Tunnel. Itaas ang iyong mga kamay, at ikut-ikutin na parang may binibilog ka. Gamitin ang wrist sa pabilog na aksyon. Ang layunin nito ay mapaluwag muli ang daanan ng naipit na median nerve.
5. Itaas ang kamay habang nagpapahinga. Mas magandang nakataas ang iyong kamay sa upuan o sa iyong dibdib.
6. Ipatong ang kamay habang natutulog. Mahalaga po ito! Huwag ipatong ang kamay sa ilalim ng ulo habang natutulog. Baka maipit ang median nerve. Huwag ding hayaang nakalawit ang iyong kamay sa tabi ng kama. Ang tamang posisyon ay ang paglagay ng kamay sa ibabaw ng dibdib o ipatong ang kamay sa unan sa iyong tabi.
7. Puwedeng maglagay ng Splint o kalso sa kamay. Kumuha ng isang matigas at pahabang cardboard. I-tape ito sa ilalim ng iyong palad at wrist. Ang layunin nito ay para hindi mo mai-bend ang iyong kamay kapag natutulog.
8. Kapag namamaga at sumasakit ang kamay, lagyan ng ice pack. Kumuha ng yelo. Ilagay sa plastic at ibalot ito sa isang tuwalya. Itapal ito sa iyong wrist ng 15 minutos. Mababawasan nito ang pamamaga ng kamay.
9. Huwag balutin ang kamay. Huwag maglagay ng bandage o wrist band sa iyong kamay. Baka mapigilan lang ang pagdaloy ng dugo sa kamay.
Magbawas sa alat sa pagkain at magbawas din ng timbang. Ang asin ay nagpaparami ng tubig sa ating katawan. Dahil dito, puwedeng mamaga ang ating kamay at lalo lang maiipit ang median nerve. Ganoon din kung ika’y sobra sa timbang. Tataba rin ang wrist at maaaring maipit ang iyong litid.
10. Puwedeng uminom ng Vitamin B complex. Hindi pa ito tiyak, pero may posibilidad na may tulong ang vitamin B6 para sa mga ugat (nerves).
11. Kapag masakit, puwedeng uminom ng Mefenamic Acid 500 mg capsule. Makatutulong ito sa pagbawas ng sakit at pamamaga. Huwag araw-arawin ang gamot sa kirot. Masama rin ito sa katagalan.
12. Para makasigurado kung ika’y may Carpal Tunnel, kumunsulta sa isang orthopedic surgeon na doktor. Good luck po!
- Latest