Bakit malaya at armado kung may mga kaso?

NADISMAYA ako nang husto nang mabasa ko ang pamamaril ng isang lalaki sa van na tumirik sa Quezon City noong Martes ng gabi. Ayon sa mga ulat, nasiraan ang van kaya tumabi. Nang maayos na, nagulat umano ang suspek na kumakain sa isang stall na malapit sa van. Inakala ay dadalhin siya ng mga nakasakay sa van sa rehab, at armado raw. Kaya anong ginawa? Hinabol ang van, tumigil sa harap nito at pinagbabaril ang mga nakasakay. Patay ang babaing pasahero, habang sugatan ang dalawang kasamang lalaki. Pero namatay na rin ang drayber ng van noong Huwebes. Wala silang anumang kinalaman sa bumaril sa kanila. Naging biktima lang ng isang kilalang adik sa droga. Tama ba at “praning” ang tawag dito? Ang balita ay hindi man lang nagsisisi ang suspek.

Napakaraming tanong ang dapat sagutin. Kilalang adik sa droga si Jose Maria Abaya, na may insidente na rin ng pamamaril ng guwardiya sa isang rehab center noong 2012. Napatay ang guwardiya, sugatan pa ang isa. Nadismis umano ang kaso. May kinalaman ba na anak siya ng isang dating PC general? At bakit armado? Ayon sa mga rekord ng PNP, dalawang baril ang nakarehistro sa suspek. Akala ko ba, kapag nasangkot sa pamamaril ay hindi na puwedeng lisensiyahan ng baril? Paano nakapasa kung adik nga sa droga? At napag-alaman pa ngayon na ang baril na ginamit niya sa pamamaril ay hindi rehistrado sa kanya. Ano naman ang paliwanag dito? Pinahiram sa kanya ang baril? Ikaw ba ay magpapahiram ng baril sa isang kilalang adik? Bagong bili ba pero hindi pa lisensi­yado sa kanya? Napakaraming tanong kung saan dapat may managot, kung kakayanin ng mga otoridad imbistigahan at tila napakadulas. Tatlong inosenteng tao na ang napapatay nito. Palalayain pa ba at pababayaang magdala ulit ng baril? Maghihintay na lang tayo ng pang-apat na mapapatay?

Naghihintay ng mga sagot ang mga pamilya ng mga biktima, bukod sa hustisya. Patung-patong na ang kaso. Dalawang counts ng murder, isang frustrated murder at illegal possesion of firearms. Baka naman palayain pa ito ulit ng korte. Hindi na ito dapat gumagala sa lansangan. Hindi na dapat ito makalabas ng bilangguan. Kung may problema ang pag-iisip, lalo na. Ilagay sa rehab o iba pang institusyon, pero hindi na puwedeng basta-basta palayain. Kung hindi siya pinalaya noon, buhay pa sana ang dalawang pinatay niya nang walang dahilan. Hindi ko maisip ang pinagdadaanan ang mga pamilya. Napakawalang saysay ng sinapit ng kanilang mga mahal sa buhay. Tunay na nakakadismayang balita.

Show comments