May takot sa Diyos?
SA unang pagkakataon magmula nang arestuhin at ikulong si Lance Corporal Joseph Pemberton Smith, dahil sa pagpatay umano kay Jennifer Laude, inamin na binugbog at sinakal niya si Laude nang malaman na lalaki rin. Tinulak daw niya si Laude, habang sinampal naman siya. Nagkaroon umano ng suntukan sa kuwarto at nauwi sa pagsakal niya kay Laude. Sa kanyang salaysay, dinala raw ni Pemberton si Laude sa banyo para buhusan ng tubig dahil, nawalan ng malay. Dito nga natagpuan ang bangkay ni Laude ng mga otoridad. Ayon kay Pemberton, nagawa lang daw ito dahil ipinagtanggol lang daw ang sarili niya, at ang kanyang dangal. Ito ang kanyang depensa.
Pero ayon sa otopsiya na ginawa kay Laude, namatay siya sa pamamagitan ng pagsakal at paglunod. Hindi naman siguro malulunod ang isang tao kung binuhusan lang ng tubig para magising. Kaya baka may hindi pa inaamin si Pemberton. Hindi rin tinanggap ng pamilya ni Laude ang salaysay ni Pemberton. Bakit daw kailangang sakalin at patayin? Nasa korte na kung ano ang epekto ng pag-amin ni Pemberton sa krimen.
Ilang araw bago nagbigay ng testimonya si Pemberton, nagsalita rin sa korte ang kanyang ina. Ang sabi ay may takot sa Diyos ang kanyang anak, at maraming mga kaibigan na gay. May mga dala pang sulat mula sa mga kapamilya at kaibigan ni Pemberton na nagpapatotoo na si Pemberton ay mabait na tao. Ano na kaya ang masasabi nila ngayong umamin na si Pemberton sa kanyang ginawang pagpatay kay Laude? Hindi mo talaga masasabing kilala mo ang isang tao, kahit kapamilya o kaibigan mo pa. May mga sitwasyon na talagang magpapadilim ng paningin ng isang tao, at hindi na mag-iisip. Ganun pa man, krimen pa rin ito sa ating batas, na kailangang panagutan.
Tumataas na lang ang kilay ko tuwing pinapasok na ang Diyos ng mga akusado ng iba’t ibang krimen. Mga may dala-dalang Bibliya habang nakaposas at dinadala sa hukuman. May epekto ba ito sa mga kaso at tila ganito lagi ang nakikita natin tuwing may nahuhuling kriminal? Katulad nito, may takot daw sa Diyos. Sa tingin ko dapat nga siyang matakot na sa Diyos. May utos ang Diyos na nagbabawal sa pagpatay sa isang tao. Alam kaya ni Pemberton ito?
- Latest