MAY suspek na ang mga otoridad sa Thailand sa naganap na pagbomba sa Bangkok noong Lunes ng gabi. Base sa nakunan ng CCTV sa isang lalaki na nag-iwan ng dalang backpack sa lugar malapit sa Erawan shrine. Naka-dilaw na T-shirt ang lalaki, at nakitang nakaupo sa bangko. Parang nais talaga mapansin at dilaw pa ang suot. Iniwan ang backpack at tila nagmadaling umalis. Ilang minuto lang ay sumabog na ang bomba. Sa totoo nga, hindi na suspek ang turing ng mga otoridad, kundi siya na mismo ang nagpasabog ng bomba kung saan 20 ang patay at higit 100 ang sugatan. May ulat na may isang Pilipinong nasaktan.
Sa ngayon, wala pang umaangkin ng krimeng ito, kaya hindi pa talaga malaman ang motibo. Pero malinaw na ang target ay mga inosenteng turista. Para sa mga terorista, ang mga inosente ang may pinakamala-king epekto sa mamamayan. At malaki ang epekto nito sa Thailand, na hindi naman karaniwang nakakaranas ng terorismo sanhi ng relihiyon. Ang Erawan shrine ay isang Hindu shrine na pinupuntahan rin ng mga Bu-ddhists at mga Tsino, bukod sa mga turista mula sa iba’t ibang bansa. Sila ba ang target? O pinili lang ang lugar dahil maraming tao?
Isa sa maaaring motibo ng pagbomba ay para magkagulo ang ekonomiya ng Thailand, masira ang turismo at para mapasama ang gobyerno. Hawak ng militar ang gobyerno ng Thailand bunsod ng isang kudeta noong Mayo ng nakaraang taon. Bago naganap ang kudeta, magulo ang pulitika ng Thailand. Dalawang magkapatid na punong ministro ang pilit nang tinanggal sa loob ng siyam na taon. At baka sa 2017 pa magkaroon ng halalan. Isa itong anggulo na tinitingnan. Pero hangga’t wala pang umaangkin, wala pang impormasyon ang gobyerno.
Wala talagang nag-akala na mangyayari ito sa Bangkok. Pero mukhang nakahanap ng sariwang target ang mga terorista. Sigurado maghihigpit na sa Thailand, lalo na’t ang militar ang may hawak ng gobyerno. Dapat mahanap ang tinuturo nilang nagpasabog ng bomba, para malaman kung anong grupo ang nasa likod nito, at kung paano lalabanan ang mga kawatan.