Walang anumang proteksiyon
ANO pa ba ang bago rito? Isang Valisno bus ang bumangga sa konkretong marker ng boundary ng Quezon City at Caloocan. Patungong San Jose del Monte, Bulacan ang bus nang maganap ang aksidente. Apat ang namatay 30 ang sugatan, iba malubha. Tumakas ang drayber ng bus, pero nahuli rin siya sa Balagtas, Bulacan. Mabuti naman dahil kailangan niyang managot sa aksidente.
Nang makita ko ang litrato ng bus, wasak na wasak ang kanang bahagi nito. Dito siguro nakaupo ang mga namatay, at parang latang nasagasaan ng pison ang bahagi ng bus. Kitang-kita na walang katibay-tibay ang paggawa ng katawan ng bus, kaya walang anumang proteksiyon para sa mga pasahero. Agad sinampahan ng isang buwang suspensyon ang bus company, kaya hindi makakabiyahe ang 62 bus nito. Kailangang dumaan ang lahat ng kanilang bus ng “road worthiness inspection” ng LTO. Ang mga drayber naman ay kailangang dumaan ng safety seminar, drug testing at kumuha ng clearance mula sa PNP at NBI. Siguro alamin muna kung may saysay ang mga seminar sa mga drayber, at baka wala ring pumapasok sa kanilang mga utak.
Hindi ba mas maganda kung ginawa lahat ito bago naaksidente, lalo na’t may kasaysayan na pala ng mga aksidente ang kompanyang ito? Baka naiwasan ang masamang aksidente. Ayon sa nakaligtas na pasahero, mabilis ang takbo ng bus, at sinabihan pa nga raw ang drayber na bagalan ang pagmamaneho. Nang dumating sa palikong bahagi ng kalsada at mabilis pa ang takbo, nawalan na ito ng kontrol. Kaya malinaw na kasalanan na naman ng drayber na baka wala namang karapatang magmaneho ng bus. Ang matino at sanay na drayber ay hindi magpapatakbo nang mabilis kapag paliko ang kalsada. Sa totoo lang, sentido komon lang iyon. Pero kahit sentimo komon, wala rin ang maraming drayber.
Apat na buhay na naman ang nawala dahil sa drayber na hindi maingat magmaneho. Ilan pa ba ang dapat mamatay bago dumaan ang mga drayber at pampubliklong sasakyan sa masusing inspeksyon ng mga kaukulang ahensiya ng gobyerno? Kailangan ding tingnan ang disenyo ng mga bus at wala talagang proteksiyon para sa mga pasahero. Pagbawalan na rin siguro umupo sa kanang bahagi ng bus at dito madalas nababangga, dahil na rin sa pag-iwas ng drayber na siya ang masaktan.
- Latest