ANG kahaharaping El Niño raw ang pinakamatindi sa lahat, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA). Mas matindi umano ito kumpara sa El Niño noong 1997. Ayon sa PAGASA, mararamdaman ang bagsik ng El Niño sa Oktubre.
Ang El Niño ay ang hindi pangkaraniwang pag-init ng temperature ng karagatan sa central at eastern equatorial Pacific na magdudulot ng grabeng tagtuyot sa rehiyon sa Pacific at grabeng tag-ulan at baha naman sa iba pang rehiyon.
Nang magkaroon ng El Niño sa bansa noong 1997, nagkaroon ng kakapusan sa pagkain at tubig. Mahigit 70 percent ng bansa ang nakaranas ng grabeng tagtuyot. Umabot sa P8.46 billion ang nasira sa agrikultura nang matuyo ang may 74,000 ektaryang sakahan sa 18 probinsiya.
Ngayon pa lamang, dapat may plano na ang pamahalaan sa pagsapit ng El Niño. Tiyak na ang unang maaapektuhan ay ang mga sakahan kaya dapat magkaroon na ng pag-aaral kung paano ito maiiwasan. Kung matutuyo ang mga tanim na palay, dapat magkaroon ng iba pang alternatibo. May mga pananim na matibay sa init kaya ang mga ito ang dapat itanim sa panahon ng pananalasa ng El Niño. Maraming halaman, gaya nang mais na maaaring itanim sapagkat matibay ito sa init. Kung siyam na buwan ang itatagal ng El Niño, maaaring magbunga at mapakinabangan ang mga mais.
Kung mapagpaplanuhan at mapaghahandaan ang El Niño hindi gaanong mabibigla ang nakararami sa pagsapit nito. Kailangan ang pagtutulungan ng bawat isa. Kung magkakaisa sa pagtama ng El Niño, malalampasan ang problema gaano man ito kabigat.