EDITORYAL – Lansagin ang private armed groups
MALINIS at matiwasay na eleksiyon ang hinahangad ng mamamayan. Hindi na nila nais bumalik ang bansa sa panahong ang mga makapangyarihang pulitiko ang maghari sa panahong eleksiyon. Tama na ang karahasan na namayani noong dekada 70 at 80 na nagpapatayan ang bawat kampo ng mga magkakalabang pulitiko sa pagnanais na sila ang mamayani sa lugar. Sa kagustuhang manalo, nag-aarmas ang mga pulitiko para takutin ang mga botante at para na rin paghandaan ang kalaban. Nagha-hire ng mga armado para gamitin sa eleksiyon.
Ang ganitong praktis ang ayaw mangyari ng kasalukuyang administrasyon kaya ipinag-utos ni President Noynoy Aquino noong nakaraang linggo sa Philippine National Police (PNP) na lansagin ang private armed groups (PAGs). Ginawa ng Presidente ang direktiba habang papalapit na ang pagpa-file ng certificate of candidacy para 2016 presidential elections. Nais ng Presidente na masiguro ang malinis at matiwasay na election. Ang kampanya laban sa PAGs ang mabisang paraan para maging malinis ang election. Kung malalansag ang PAGs, makatitiyak ang mamamayan na walang kaguluhan saan mang dako ng bansa.
Subalit magkakaroon lamang ng katotohanan ang pagbuwag sa PAGs kung magsasagawa ng kampanya ang PNP sa pagsamsam sa mga hindi lisensiyadong baril. Napakaraming loose firearms at kung hindi magkakaroon nang matinding kampanya laban dito ang PNP, mawawalan ng saysay ang direktiba ng Presidente. Unahin ang pagsamsam sa mga baril para masigurong wala nang mabubuong sariling hukbo ng mga sandatahan ang mga pulitiko. Kailangang siguruhin na walang makakalusot na baril.
Ang nangyaring masaker sa 58 tao sa Maguindanao noong Nob. 23, 2009 ay isang halimbawa nang pamamayagpag ng pulitikong may sariling sandatahan. Nangyari ang lahat dahil sa pulitika. Walang awang pinatay ang mga biktima na kinabibilangan ng may 30 mamamahayag.
Isang paraan din para ganap na malansag ang PAGs ay ang pag-reshuffle sa mga pulis na nagiging “bata-bata” ng mga pulitiko. Ilipat ang mga pulis para hindi magamit ng mga pulitiko sa eleksiyon.
Magtagumpay sana ang kampanya laban sa private armed groups.
- Latest