^

PSN Opinyon

Ika-5 taon ng ‘tuwid na daan’

BAHALA SI BITAG - Ben Tulfo - Pilipino Star Ngayon

HULING State of the Nation Address (SONA) na ni Pangulong Noy Aquino ngayong araw. Hindi pa alam kung anong klaseng pagbubuhat ng bangko ang kaniyang gagawin sa kanyang talumpati. Matatapos na ang kanyang termino, subalit marami pa sa kaniyang mga ipinangko sa kaniyang mga “boss” hindi pa rin natutupad.  Walang kasiguraduhan kung maihahabol ito bago siya bumaba sa pwesto sa 2016.

Sa loob ng limang taon, hindi ramdam ang kanyang mga accomplishment partikular sa pagdadagdag ng mga imprastruktura. Kulang pa rin ang mga daan at tulay, lalo pang lumalala ang problema sa mass transportation ang Metro Rail Transit (MRT), Light Rail Transit (LRT) at Philippine National Railways (PNR). Hindi pa dito kasama ang lalo pang sumisikip na mga lansangan.

Kulang-kulang din ang mga seaport habang marami sa mga airport bukod sa luma na sira-sira pa  na kung ihahanay sa mga paliparan ng ibang mga bansa, wala sa kalingkingan at bagsak international standard.

Dismayado ang mga nasa industriya ng pagnenegosyo sa kinahinatnan ng mga pangakong ito ni PNoy. Na noong bagong upo palang siya sa pwesto, ito sinabi niyang ipa-prayoridad sa loob ng kaniyang panunungkulan. Mismong ang business community na ang nagsabi, isa sa mga dahilan kung bakit napag-iiwanan na ang Pilipinas sa ASEAN Region ang kakulangan nito sa mga imprastruktura.

Kulelat na ang Pinas sa mga karatig-bansa nito. Milya milya na ang layo sa mga bansang naungusan pa nito dati tulad ng Singapore at Vietnam. Binago at nirebisa na ng ilang mga bansa ang kanilang probisyon sa Konstitusyon para makahikayat ng mga dayuhang magnenegosyo subalit ang Pilipinas, nananatili pa ring istrikto sa pagpapapasok ng mga dayuhang mamumuhunan.

Hindi business-friendly ang batas hinggil sa Foreign Direct Investment (FDI). Bukod pa dito, nalubog na sa kumunoy ng bulok na kultura ang mga nasa gobyerno. Hindi pa rin mawala-wala ang malawakang red tape. Ang mga “Kuya Eddie…ako” laging pumapapel. Gusto lagi ng lagay sa bawat transaksyon kapalit ng mga business permit at dokumentong kakailanganin sa pagtatayo ng negosyo. Sa aspeto ng seguridad at pagpapanatili ng katahimikan, hindi panatag ang loob ng mga dayuhang imbestor lalo na si Juan at Juana Dela Cruz.

Ilang administrasyon na ang dumaan, wala pa ring central communication system ang Pilipinas o kung tawagin sa bansang Amerika 911 system. Ang mga alagad ng batas, hindi agarang nakakapag-responde sa mga krimen. Hindi pa dito kasama ang mga panukalang batas na nakatengga pa rin sa lehislatura tulad ng Freedom of Information (FOI) Bill na hanggang ngayon, hindi pa rin ginagawang urgent bill ng pangulo na magiging pamantayan at panukat ng transparency at good governance.

Sa anumang bansang pupuntahan o gustong pagbuhusan ng pondo para magnegosyo ng mga dayuhang imbestor, napakahalaga ng kanilang tiwala at kumpyansa. Tiwala sa kultura at sa mga namumuno sa isang bansa at kumpyansa sa uri ng pangangasiwa. Anuman ang tumatak nang persepsyon at pananaw sa kanilang isipan, nag-iiwan ito ng pangit na panlasa sa kanilang mga bibig dahilan kung bakit ang isang bansa, tulad ng Pilipinas, iniiwasan at napag-iiwanan.

Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan  tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sabitagtheoriginal.com.

vuukle comment

ANG

FOREIGN DIRECT INVESTMENT

FREEDOM OF INFORMATION

HINDI

JUANA DELA CRUZ

KUYA EDDIE

LIGHT RAIL TRANSIT

METRO RAIL TRANSIT

MGA

NBSP

PILIPINAS

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with