Mga karapatan at pananagutan
ANG lahat ay may karapatan sa ilalim ng batas na may limitasyon o hangganan. Magkakaroon tayo ng pananagutan kapag lumampas o inabuso natin ang limitasyong ito. Ito ang ipapaliwanag sa kaso ni Karen.
Si Karen ay empleyado ng isang airline company na mayroong opisina sa isang malaking mall. Minsan ay naisipan niyang bumisita sa isang boutique o tindahan ng mga damit at matapos magsukat ng ilang damit, naisipan niyang bilhin ang isang itim na “jeans” na nagkakahalaga ng P2098.00.
Binayaran ni Karen ang nasabing jeans at tumungo na siya sa iba pang tindahan. Sinundan siya ng isang empleyado ng botique at sinabing hindi pa niya ito nababayaran ang jeans. Iginiit niyang binayaran na niya ito at ipinakita ang resibo sa empleyado. Nang magpumilit pa rin, iminungkahi ni Karen na doon na lamang sa kanilang opisina sila mag-usap.
Noong nasa kanilang opisina na sila ayon kay Karen, inalipusta at ipinahiya siya ng empleyado ng tindahan sa harap ng mga kliyente ng airline company at ipinilit na kunin ang bayad ng jeans. Nguni’t hindi pa dito nagtapos ang pangyayari.
Nagpadala pa ng sulat ang may-ari ng tindahan sa kanyang employer at sa HR department ng mall na sinisiraan siya ng puri. Kaya nagsampa si Karen ng “Complaint for Damages” laban sa may-ari ng tindahan. Sinabi niyang nagdulot ito ng labis na pisikal at emosyal na pasakit sa kanya dahil sa kahihiyan at paninirang puri na sanhi ng kanyang di maayos na pagtulog.
Sa kanilang sagot, sinabi ng may-ari ng tindahan na ginamit lamang nila ang kanilang karapatan upang tanungin si Karen kung nabayaran ba o hindi ang pantalon. Sinabi nila na hindi lamang nagkaintindihan ang kanilang empleyado kaya gumawa sila ng paraan upang kausapin si Karen ng mahinahon.
Dinismis ng Mababang Hukuman (RTC) ang kasong isinampa ni Karen at sinabing ginamit lamang ang may-ari ng botique ng kanilang karapatan upang tanungin si Karen kung nabayaran nga niya ang pantalon. Sinabi rin ng RTC na si Karen ang naglagay sa kanyang sarili sa sitwasyong iyon ng ipakiusap niyang doon na lamang sila mag-usap sa kanyang opisina. Ang sulat daw na ipinadala ng tindahan sa employer ni Karen ay upang hilingin lang ang kanilang ayuda upang siya’y makausap. Malinis daw ang kanilang intensyon.
Nguni’t binaligtad ng Court of Appeals (CA) ang desisyon ng RTC at sinabing may masamang intensyon ang tindahan sa pagpapadala ng sulat sa employer ni Karen. Hindi lamang sila sumulat upang singilin si Karen kung hindi siniraan pa siya ng puri. Tama ba ang CA?
Tama po. Ayon sa Korte Suprema, malinaw sa sulat ng Botique owner sa airline company na hindi lamang sila nangongolekta ng utang kung hindi naninira ng puri ni Karen. Ang aksyong ito ay hindi katanggap-tanggap dahil wala silang ebidensya samantalang may naipakitang sapat na ebidensya si Karen na nabayaran nga niya ang jeans. Hindi dapat ina-abuso ang ating karapatan at dapat lamang ito gamitin sa makatarungan at matuwid na pamamaraan. Inabuso ng may-ari ng tindahan ang kanilang karapatan kaya dapat silang magbayad ng danyos (California Clothing Inc. and Michelle S. Ybañez vs. Shirley G. Quiñones, G.R. No. 175822, October 23, 2013).
- Latest