Paano iiwas sa lung cancer: Sakit ni Jam Sebastian
NAKIKIRAMAY ako sa pamilya ni Jam Sebastian dahil sa pagkamatay ni Jam sa sakit na lung cancer.
Para sa mga fans ni Jam at Mich, nakakalungkot isipin ang nangyari kay Jam. Sa mga hindi nakakakilala sa kanila, nag-audition ang magkasintahang Jam at Mich sa GMA-7 pero hindi sila nagtagumpay noong una.
Dahil dito, naisip ni Jam na gumawa ng video na sila ang magiging artista. Nakaabot sa 8 million views ang kanilang videos sa YouTube.
Patuloy ang kanilang pagsikat sa YouTube mula 2011 hanggang 2014. Ngunit noong 2014, nag-collapse si Jam at dinala siya sa doktor. Natuklasan ng doktor na may kanser sa baga si Jam. Ito ay Lung Cancer, Stage 4 Adenocarcinoma type. Nitong March 4, 2015, nagpaalam na si Jam sa edad 28.
Ano ang lung cancer?
Ang lung cancer o kanser sa baga ay isang seryosong sakit na madalas makita sa mga taong naninigarilyo o nakakalanghap ng usok ng sigarilyo (second-hand smoke).
Ang sintomas ng lung cancer ay ang pag-ubo, pagdura ng plema na may dugo, namamaos, namamayat, o walang ganang kumain.
Ayon sa pagsusuri, tataas ng 13 beses ang tsansang magkaroon ng lung cancer ang taong nagsisigarilyo.
Bukod sa sigarilyo, may iba pang factors na posibleng nagdulot ng sakit ni Jam. Ang pagpupuyat at pagkapagod ay nakapanghihina ng katawan.
Paano tayo iiwas sa lung cancer:
1. Itigil na ang paninigarilyo. Umiwas din sa mga lugar na maraming naninigarilyo tulad ng casino.
2. Huwag abusuhin ang katawan. Ang puyat, paninigarilyo at pag-inom ng alak ay nagpapahina ng ating immune system.
3. Magpahinga at matulog ng sapat.
4. Huwag sobrang magpakapagod sa mga proyekto at trabaho.
5. Laging manalangin sa Diyos. Hindi natin alam kung hanggang saan ang buhay natin.
Para sa akin, malaking inspirasyon ang buhay nina Jam at Mich.
Salamat Jam. Salamat Mich. Napatunayan ninyo na basta nasa puso mo ang iyong ginagawa, maaabot mo ang iyong pangarap. Magpursige ka lang. God bless po.
- Latest