SA mga mapanlinlang at manlolokong manufacturer ng food and dietary supplement products, tapos na ang maliligayang araw ninyo.
Sila ‘yung mga umaatungal at kumukontra sa bagong inilabas na sirkular ng Department of Health Food and Drugs Administration (DOH – FDA).
Ayaw pumabor sa standard message ng ahensya o gawin nang Tagalog ang label na “No approved therapeutic claim” sa mga nasabing produkto.
Na mula sa englis, isinalin na sa Filipino na “Mahalagang paalala: Ang lahat ng herbal food supplement ay hindi gamot at hindi dapat gawing gamot o pamalit sa gamot sa anumang uring karamdaman.”
Ibig sabihin, ito na ang gagamiting tatak sa lahat ng mga food and dietary supplement products na ibinibenta sa merkado.
Hindi na rin maaaring gamitin ang “No approved therapeutic claim” sa anumang patalastas sa telebisyon, radyo, dyaryo, billboard at iba pang promotional materials at sponsorship activities.
Kontra dito ang Chamber of Herbal Industries in the Philippines o ang samahan ng humigit-kumulang 65 na kumpanya na gumagawa, nagbebenta at nananaliksik sa mga herbal product.
Magdudulot daw ang Tagalog standard message ng DOH ng ‘irreparable damage’ o kasiraan sa kanilang mga produkto.
Pero para sa BITAG Live, tama lang ang direktibang ito ng DOH. Maliban na lamang kung ang mga pumapalag, kaya hindi sumasang-ayon, mayroong planong manlinlang at manloko ng publiko.
Isang bagay lang, kung hindi kayo sumasang-ayon bagkus umaatungal pa, i-rehistro ninyong gamot ang inyong mga produkto.
’Yun nga lang, dapat pumasa muna sa pamantayan ng clinical trial para maging gamot at para maireseta ng mga lehitimo, lesinsyado, dalubhasa at aktibong doktor.
Nirerespeto naman ng BITAG Live ang food and dietary supplement product manufacturers na sadyang ayaw gawing medisina ang kanilang produkto pero sumusunod sa mandato ng DOH.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas-10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.