Paglilihim tungkol sa Mamasapano
ANANG Bibliya, sa Juan 8:32, “Makikilala ninyo ang katotohanan, at katotohanan ang magpapalaya sa inyo.” Sinipi ‘yan ni President Noynoy Aquino nu’ng Enero 28, nang unang nagsalita -- sa wakas -- tatlong araw makalipas ang Mamasapano debacle. Nais niya umano malaman ang katotohanan sa pagkalipol ng 44 na commandos, ng mga separatistang Moro na ka-ceasefire ng gobyerno niya.
Pero iba ang salita sa gawa. Anang Malacañang sources, nainis si P-Noy nang mag-imbestiga rin ang Senado at Kamara sa masaker ng SAF-44, imbis na ipaubaya ito sa PNP Board of Inquiry. Bagamat mayorya ng mga mambabatas ay maamong tupa, alam niya na may papapel sa televised hearings. Iba ang closed-door sessions ng PNP-BOI, na sunud-sunoran din kay Commander-in-Chief P-Noy. Nainis din siya sa panukalang independent Truth Commission bilang taga-imbestiga.
Kaya mabilis kumilos ang political operatives ni P-Noy. Ipinakitil sa Kongreso ang ideyang Truth Commish, at ipinaiwas ang mga tanong na magdidiin sa kanya. Kaso, hindi nila kontrolado lahat. Inungkat ng ilang mambabatas ang pakikialam sa SAF operation ni suspendidong PNP chief Purisima, na best friend ni P-Noy. Pati malamya’t huli nang utos ni P-Noy sa AFP na tulungan ang SAF, ay nakakahiyang nabunyag.
Pinag-opinyon pa si Justice Sec. de Lima ng kalokohang “walang chain of command sa PNP dahil civilian ito.” (Lahat ng organisasyon -- negosyo, club, pamilya -- may command chain.) Pina-sikreto ang AFP at PNP timelines ng mga kaganapan nu’ng Enero 25. At pinagbawalan si Purisima na magsalita pa sa open hearings; sa executive sessions na lang.
Para disimulado, nanawagan kuno ang Palasyo kay Purisima na ibunyag ang mga sinabi sa executive session. Pinasatsat ang tuta nila na si Sen. Trillanes na ibaling ang atensiyon sa umano’y kudeta kontra P-Noy.
At paano na ang Juan 8:32? Tandaan ang sinabi ni Shakespeare: “Miski ang demonyo ay sisipi sa Bibliya, para sa pansariling pakana.”
- Latest