‘Kawalang-paninindigan ng lider at mga ‘PG’ng pulitiko’

HINDI mapipilit ang isang lider na walang paninindigan na umako ng anumang responsibilidad at pananagutan.

Sa halip na tumayo sa gitna ng mga kalituhan at kaguluhan, siya pa mismo unang nagtututuro ng sisi. Kung hindi sa nakaraang administrasyon, doon sa mga taong nasa ibaba o kaniyang pinamumunuan.

Maswerte nalang kung isa ka sa mga ‘KKK’ dahil talagang ipaglalaban ka ng patayan.

Ganito ang nangyayari ngayon sa administrasyon. Sa halip mamuno at tumayong lider si Pangulong Noy Aquino, siya pa ang pasimuno.

Hinggil pa rin ito sa wala pa ring linaw hanggang ngayon kung sino ang nasa likod ng madugong eng-kwentro sa Maguindanao noong Enero 25.

Kaya ang nangyayari, tumatagal ang imbestigasyon. Nananawa na ang publiko sa hearing. Iba ang sa Senado, iba sa Kongreso at iba pa sa mga ahensya at sektor ng gobyerno.

Ang mga ‘PG’ na mga senador at kongresista, sinasamantala naman ang publisidad. Kaniya-kaniyang porma sa harap ng kamera. Nag-aagawan sa mikropono. Hindi pa natatapos ang isa, sinusupalpal na ng isa pa ring hipokrito.

Galit-galitan ang kanilang drama. Kaniya-kaniyang diskarte. Nagpapagalingan at nagpapatalbugan sa pagtatanong para makapag-iwan ng tatak. Malapit na kasi ang 2016 national elections.

Tatlong linggo na ang nakalilipas matapos ang Mamasapano massacre pero wala pa ring konkretong resulta ang serye ng mga imbestigasyon.

May mga umamin na kabahagi ng nabulilyasong operasyon pero ang totoong may utak, nababahag ang buntot na lumantad.

Hangga’t hindi marunong tumanggap ng pagkakamali at hindi marunong manindigan si PNoy, lalo lang magugulo ang imbestigasyon. Sa halip na magbigay ng linaw, magdudulot pa ito ng mga pagkakabaha-bahagi at kaguluhan.

Sana natuto na ang taumbayan sa pagpili ng totoong lider. Lider na marunong manindigan, may integridad, tapat, hindi makasarili, hindi hambog at mayabang, laging iniisip ang kapakanan ng bayan, at higit sa lahat may takot sa Diyos.

Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.

Show comments