Katapatan, pagtulong itinuro niya sa anak
NANG maiwan niya sa taxi sa Pasig City ang cell phone, hindi inakala ni Erwina na maibabalik pa ito. Pero nahanap ito ni G. Albert Julaton, na kasunod sumakay sa taxi. Alam agad ni Albert na may nawawalan ng CP. Duda siya na isosoli ito ng cabbie, kaya inisip ilagak ito sa DWIZ radio show ni Mon Tulfo, sa Pasig din. Tapos tumawag si Erwina, at nagkasundo sila magkita sa malapit na mall kinaumagahan.
Dalawang beses pumunta si Erwina, pero wala si Albert. Hindi rin sinagot ang mga tawag niya. Pakiramdam ni Erwina na mabait na tao ang kausap, kaya inisip na lang na na-low-bat ang CP. Kinabukasan tinawagan ng kumare at ng anak ang CP. Pareho ang tugon ni Albert sa kanila: “Sori po, ma’am, kulang pa ang pasahe ko.” Magbubuhat si Albert sa Sta. Cruz, na akala nila ay distrito ng Maynila na madaling puntahan sa murang pasahe, kaya madali i-reimburse. Ang Sta. Cruz pala ni Albert ay ang capital ng Laguna, 92 kilometro, isa’t kaahating oras, at P220 sa bus ang layo.
Tatlong araw pa bago maibalik ang CP ni Erwina, at kasama noon ang panumbalik ng tiwala niya sa kabutihan ng tao.
Abot-abot ang paghingi ni Albert ng paumanhin sa pagkaantala. “Peksman,” aniya, sabay krus sa puso, “hindi ko binalak angkinin ‘yan.” Tricycle driver si Albert. Pag-uwi niya mula sa Pasig, tinanong ng musmos na anak kung may bago na silang CP.
Nasira ang luma nilang unit sa baha dalawang taon na ang nakalipas. Nang malaman na napulot lang ang CP sa taxi, sinabi agad ng bata, “Isoli mo ‘yan, Papa.” Dalawang araw at gabi nag-overtime sa pasada si Albert, para kitain ang P440 na round-trip na pasahe at panggastos ng pamilya sa araw ng pagbalik niya sa Pasig. Tinanggihan ni Albert ang anomang reimbursement o pabuya sa kagandahang-loob.
Kapuri-puri ang katapatan ni Albert, post ni Erwina sa Facebook. At buhay ang diwa niya dahil naituro sa anak ang mabuting asal.
- Latest