KINABAHAN, ninerbiyos, kinilabutan, nangilid-luha at nagalak. Ito ang mga naramdaman ko nang lumapag na ang Sri Lankan Airways na sakay ang Santo Papa dakong 5:31 ng hapon noong Huwebes. Nasa studio ako ng ABS-CBN pa niyan, paano kaya ang mga nasa tarmac mismo na sumalubong sa kanya? Sabay-sabay tumunog ang mga kampana sa buong bansa. Nasulyapan lang siya sa bintana ng eroplano ay marami na ang nagsigawan. Nang bumukas ang pinto ng eroplano, lalong nagsigawan. At nang makita siya mula sa maliit na bintana ng eroplano na tumayo at nagtungo na sa pinto, hindi na napigilan ang madla. Dumating na si Pope Francis sa Pilipinas! Dumating na si Lolo Kiko!
Sinalubong siya ng bulaklak at yakap mula sa dalawang bata na biktima ng bagyong Yolanda. Nakipag-kamayan sa mga opisyal ng gobyerno at ng Simbahang Katolika. Kapansin-pansin ang mainit na pagbati at pagyakap kay Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle, ang kanyang nakasama sa Papal Conclave noong 2013. Nagpahinga sandali, at sumakay na sa isa sa tatlong Popemobile na inihanda para sa kanya. Dito na nagsimula ang trabaho ng mga nagbabantay sa kanya. Ang plano ay tatakbo ng mga 12 kilometro kada oras ang kanyang convoy. Pero napansin ko na mas mabilis ang takbo, siguro hindi kukulang sa 20 kilometro kada oras. Siguro nagdesisyon ang kanyang security na bilisan ang takbo, at gumagabi na.
Ipinakita naman ng sambayanang Pilipino kay Pope Francis kung gaano siya kamahal at natuwa sa kanyang pagdating. Alam na alam na dadaanan na ang open motorcade dahil palakas nang palakas ang sigaw ng mga tao. Sigurado ako mas gusto nilang mas mabagal ang takbo ng motorcade. Baka nga sinadya na ito ng security para huwag nang bumaba ang Santo Papa. At umabot na nga siya sa Apostolic Nunciature sa Taft Ave. Dito na siya magpapahinga. Anim na oras inabot ang kanyang biyahe mula Sri Lanka.
Natutuwa ako at kapuri-puri ang mga sumalubong sa kanya. Wala ni isang insidente ng gulo o pasaway mula sa mga tao sa kalsada. Lahat nanatili sa kanilang kinatayuan, walang nagpilit lumapit sa motorcade, lahat sumunod sa payo at abiso ng mga opisyal. Disiplinado lahat. Talaga, natutuwa ako! Ipinakita ang malalim na respeto para sa Santo Papa.
Nasa Apostolic Nunciature na si Pope Francis at matapos maghapunan ay makapagpapahinga na. Natapos ang unang araw niya sa bansa. Nakahinga na rin ang mga nagbabantay sa kanya. Pero may apat na araw pa. Sana ganito ang takbo ng bawat araw.
Benvenuto, Papa Francis!