EDITORYAL – Mababa na ang gasolina presyo ng bilihin, mahal pa
SUNUD-SUNOD ang rollback ng gasoline at diesel noong nakaraang taon. Ang gasoline ay nag-rollback na ng P13 samantalang ang diesel ay P15. Kamakalawa, nag-rollback na naman nang mahigit P1 ang gasolina at diesel at ang balita may susunod pang rollback sa susunod na linggo. Patuloy ang pagmura ng langis sa world market na umaabot na lamang sa $65 ang bawat bariles mula sa dating $100. Nagtapyas din ng presyo ang kerosene at ganundin ang liquefied petroleum gas (LPG).
Halos lahat nang petroleum products ay bumaba ang presyo at maraming motorista ang natuwa sapagkat ang binibiling gasolina at diesel ay malayu-layo na ang nararating. Malaking tulong ito sa lahat. Bawat negosyo ay nakadepende sa gasolina kaya kapag tumaas o bumaba, apektado ang negosyo.
Sa pagbaba ng oil products, tanging ang pasahe pa lamang sa pampasaherong dyipni ang nabawasan. Maliban dito, wala nang ibang bumaba o nag-rollback. Nag-rollback ng 50 sentimos ang pamasahe noong Disyembre.
Mabagal ang Department of Trade and Industry (DTI) sa pag-aadjust ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Imagine, P13 na ang natatapyas sa presyo ng gasolina at P15 sa diesel pero wala pa ring paggalaw sa presyo ng mga pangunahing bilihin. Ang presyo ng bigas, asukal, mantika, gatas at iba pa ay nananatili pa ring mataas. Ano ba ‘yan? Gumagawa ba o kumikilos ang DTI para ma-rollback ang presyo ng mga pangunahing pangangailangan? Walang maramdaman ang mamamayan sa pagbaba ng gasoline. Hindi sapat na ang pamasahe lamang ang mabawasan kundi pati na ang mga presyo ng pangunahing bilihin. Ito ang mas kailangang maibaba sapagkat marami ang kakarampot ang kinikita at hindi ito mapagkasya sa pangangailangan ng pamilya.
Hihintayin pa ba ng DTI na muling magtaas ang presyo ng petroleum products? Sana naman matikman ng mamamayan ang pagbabawas ng presyo ng gasolina. Kakatwa ang nangyayari na kapag itinaas ang presyo ng gasolina, mabilis magtaas ng presyo ang mga negosyante pero kapag nagrollback, hindi naman sila gumagalaw.
Kumilos naman sana ang DTI. Maawa naman sa mamamayan.
- Latest