PATI ba ang NBI ay hawak na rin ng mga VIP na bilanggo? Tila ito ang ipinapahiwatig ni DOJ Sec. Leila De Lima nang malaman na may mga kontrabandong nakapasok sa ikinalalagyan ng mga VIP na kriminal na iyan. Sa ginawang inspeksyon, nakitang may P700,000 nakatago ang mga bilanggo mula sa NBP, pati na ang apat na cell phone. Nakalagay sa mga supot ng basura at nakatago sa mga tangke ng kubeta. Ang tanong, paano nila naidala ang ganyang kalaking halaga sa NBI? May nabili na rin ba sa NBI kaya nila naipasok ang pera? Baka naman P1 milyon talaga iyan at nabawasan na dahil may binili nang mga tao?
Hindi na kailangan ng imbestigasyon para masabing may pagkukulang ang mga taga-NBI at Bureau of Corrections sa paglipat ng mga bilanggo sa NBI. Sa totoo lang ay nagtataka nga ako kung bakit sa mga taga-Bureau of Corrections pa pinahahawak ang mga bilanggo, kung wala na nga silang kredibilidad. Ngayon, mas mahigpit na ang pagbantay sa mga VIP na iyan at madudulas talaga. Kahit ano, kahit sino nabibili ng kanilang pera.
Napag-alaman na may mga dokumento rin ang isa sa mga bilanggo kung saan mapapalaya na sana siya. Tila nagbibilang na lang ng oras at mapapalaya na. Paano nangyari iyon kung may proseso ang ganyang pansamantalang paglaya? Napakarumi na talaga ng sistema, na kailangang purgahin na. Hindi katanggap-tanggap ang pangangatwiran na matagal nang ganyan sa NBP, kaya wala na talagang magawa. Walang magagawa talaga ang hindi kikilos ng tama. Walang magagawang mabuti ang taong nabili na ng mga kriminal.
Mananatili raw ang mga kriminal sa NBI hanggang matapos gawin ang bagong gusali sa NBP kung saan sila ilalagay. Dapat may daan-daang CCTV at microphones ang gusaling ito, para wala na talagang maitago ang mga iyan. Kanya-kanyang maliit na cubicle na may kasilyas lang, wala nang iba. Kung puwede nga, gayahin ang kulungan sa pelikulang “Escape Plan”. Malaking barko ang kanilang kulungan, sa gitna ng dagat, sa isang lokasyon na walang nakakaalam. Hindi na talaga magbabago ang mga ito at kapag naibalik muli sa NBP, baka maulit lang lahat ng kanilang pinaggagawa, lalo na kung mga da-ting guwardiya, at dating hepe pa rin ang magbabantay sa kanila.