Buhay na buhay ang diskriminasyon
MAY kilala akong umikot ng Bonifacio Global City itong Biyernes. Naghahanap kasi siya ng bukas na banko at umikot sa nasabing lugar para maghanap. Nang mapadaan siya sa Burgos Circle, kapansin-pansin daw kaagad ang tatlong mamahaling sasakyan na nakaparada sa kalsada. Isang Lamborghini at dalawang Porsche. Hindi puwedeng hindi mapansin ang mga sasakyan dahil sa kanilang magagandang hugis at kulay. Alam na milyon-milyon ang presyo ng mga ito.
Ang pagkakaalam ng kaibigan ko, pati na rin ako, ay mahigpit ang mga guwardiya sa Bonifacio Global City hinggil sa parking sa kalsada. Hindi makakahinto nang matagal sa kalsada nang walang lalapit sa iyong naka-motorsiklong security ng BGC, at sasabihan ka na umalis doon at bawal ang pumarada, o maghintay nang matagal. Alam ko iyan. Pero bakit itong mga may-ari ng tatlong sasakyang ito ay tila pinabayaan na lang? Hindi ba kaya ng mga guwardiya ang lakas ng mga ito? Wala bang binatbat ang pagkahigpit nila sa mga pumaparada sa kalsada? Sobrang yaman ba na mas mabuting huwag na lang sitahin? Baka sila ang may-ari ng Burgos Circle? O ng buong Taguig? Baka kilala nila ang mayor? Kung simpleng sasakyan ang pumarada kaya, di kaya kinuyog ng mga guwardiya kaagad? Kung owner na jeep ang pumarada, papayagan ba nila? Kung bawal pumarada, dapat bawal pumarada ang lahat.
Ito ang mga tanong, lalo na sa panahon kung saan ang diskriminasyon ay sinisimangutan na dapat. Akala ko ba bawal na ang wangwang na ugali? Pero tila nasa dugo ng mga mayayaman o maimpluwensiya ang gawin ang anumang gusto nilang gawin. Hindi sapat ang maginhawa na ang kanilang mga buhay at walang problema sa pera, kailangan pa nila ng mga ganitong klaseng benepisyo sa buhay. Hindi ba kasya ang kanilang mga sasakyan sa mga nakatakdang paradahan sa BGC? O wala kasing makakakita kung gaano sila kasuwerte sa buhay at may ganitong klaseng sasakyan sila? Napapailing na lang ako. Baka marami diyan na mas tama ang binabayad na buwis sa bansa, pero hindi makaparada ng ganyan sa BGC.
Buhay na buhay ang diskriminasyon sa bansa. Wala namang masama kung kinita nang maayos ang mga nabibiling nahal na kagamitan. Pero bakit pati ang mga patakaran na dapat sinusundan ng lahat, o pilit na ipinapasunod sa lahat, ay hindi saklaw ang mayayamang tulad nito. Kung mayaman na mayaman at maimpluwensiya, kahit anong gusto gagawin? Alam ng mga guwardiya iyan, na wala namang magawa at baka dalhin pa sa presinto, hindi ba?
- Latest