ALAM n’yo bang nanakit ng golf caddy ang isang miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ng Kalinga?
Ayon sa aking bubwit, happy birthday muna kay Zambales Gov. Hermogenes Ebdane Jr., Selva Fernandez, Nante Andrin, Erick Elefante, Marizza Dy-Santiago at Ateng Lourdes Andrada.
Alam n’yo bang sinaktan ng isang board member ng Kalinga ang isang caddy dahil lamang sa nawalang cover ng kanyang putter?
Ayon sa aking bubwit, noong December 28, araw ng Linggo dakong 3:00 p.m. sa Veterans Golf Club sa Quezon City, nagalit ang board member ng Kalinga sa kanyang caddy dahil nawala ng cover ng isa niyang golf club.
Dahil hindi rin maipaliwanag ng caddy kung paano nawala ang cover ng kanyang putter, hinawakan nito ang kamay ng kanyang caddy at tinangkang baliin. Nang pumalag ang caddy, tinusok naman ni Bokal ng golf club ang leeg ng kawawang caddy.
Ayon sa aking bubwit, nagtangkang umawat ang security guard ng Veterans Golf Club subalit hindi naman ito nakapalag nang lumapit ang bodyguard ng opisyal na akmang bubunutin ang nakasukbit na baril sa kanyang baywang.
Dahil sa takot ng caddy, nang makawala ito sa pagkakahawak ni bokal, ito ay tumakbo na lamang at baka lalo pa siyang saktan ni Bokal.
Grabe naman si Bokal, sana ay pinabayaran na lamang sa caddy yung nawalang cover ng kanyang putter kaysa saktan pa siya.
Hindi kaya natalo sa pustahan si Bokal kaya mainit ang ulo at napagdiskitahan pa ang kanyang caddy? Sabagay, mabuti na rin at hindi ginaya sina dating Marikina Cong. Romeo Candazo at businessman William Gatchalian na namalo noon ng caddy.
Ayon sa aking bubwit, ang bokal ng Kalinga na nanakit ng caddy ng Veterans Golf Club ay si Board member C. as in Caddy.