Mga abusado
WALANG lugar talaga ang abusadong tao sa lipunan. Ang una ay ang kilalang-kilala nang “Maserati mauler”. Pansamantalang binawi ang kanyang lisensya ng LTO, dahil sa inisidente na nakuhanan ng video sa Quezon Ave. May mga kasong nakasampa laban sa kanya kaya hihintayin na muna siguro ang magiging desisyon, bago ibalik o permanenteng tanggalin ang kanyang lisensya. Sinuntok at kinaladkad niya umano ang MMDA traffic enforcer na sumita sa kanya. May kasaysayan na rin pala ng reckless driving. Apat na beses na pala siyang nahuli dahil sa paglabag na ito. Bukod sa patong-patong na paglabag, hindi rin rehistrado ang Maserati na binili niya noong maganap ang insidente.
Kaya hindi siya dapat nagmamaneho ngayon. Sumunod kaya? Hindi kaya magmaneho lang ng sasakyan na madilim ang tint para hindi siya makita? O kukuha na lang ng tsuper para magmaneho para sa kanya? Ipamaneho kaya ang Maserati?
Ang isa namang abusado ay nasa kabilang panig naman ng batas. Binasag ng isang traffic enforcer sa NAIA Terminal 3 ang salamin ng taxi, dahil ayaw umano ibigay ng drayber ang kanyang lisensya. Lumabag daw kasi sa patakaran ng NAIA hinggil sa pagsakay ng mga pasahero. Ganun din, nakunan sa video ang insidente, kaya napilitan tuloy ang NAIA na imbistigahan ang insidente. Sinuspindi na nga ang traffic enforcer.
May karapatan ba ang mga traffic enforcer na manira ng gamit, dahil lamang sa paglabag sa batas-trapiko? At kung hindi nakunan ng video, kumilos kaya ang NAIA sa enforcer na ito? May mga taong may otoridad ang abusado rin kasi. Ito ang magandang halimbawa. Ano ba naman ang ipatabi ang taxi at huwag na munang paalisin. Mas masakit iyan para sa naghahanapbuhay, hindi ba? Bakit kailangang basagin ang salamin? At ano pala ang magiging paliwanag ng traffic enforcer kung bakit niya ginawa iyon? Nalagay ba sa peligro ang kanyang buhay? Kasama ba iyan sa mga patakaran nila? Malinaw na wala sa isip nang gawin iyon, kaya malinaw rin na hindi na siya pwedeng traffic enforcer. Malinaw na madali sa kanya ang maging abusado. Walang lugar iyan sa lipunan, lalo na para sa taong may otoridad. Sana lahat ng abusadong taong may otoridad, na nakukunan pa ng video, ay nasisibak.
- Latest