BUMUBULUSOK ang approval at trust rating ni Vice President Jojo Binay ayon sa latest survey ng Pulse Asia. Pero ang sabi ni Binay hindi niya hinahayaang makaapekto ang mababang rating niya sa kanyang mga gawain bilang Presidential Adviser on OFWs (PA/OFWs) at Secretary of Housing and Urban Development (SHUD).
Enough na Sir. Halos lahat nang mga binibitawang salita ni VP ay parang mga tsekeng tumatalbog. Halimbawa, yung sinasabi niyang world class na parking buil-ding sa Makati ay hindi naman pala totoo.
Malakas ang loob na hinamon niya ng debate si Sen. Sonny Trillanes pero umatras siya -- parang askal na bahag-buntot.
Ngayon ano ba talaga ang mga nagawa ni Binay bilang PA/ OFWs? Magtatapos na ang panunungkulan ni P-Noy pero hindi man lang niya nabanggit sa kanyang mga SONA ang malaking role na ginagampanan ng mga bagong bayani ng bansa sa ating ekonomiya?
Anong klaseng PA/OFWs siya kung ganoon kung hindi man lang niya mabulungan ang Presidente na bigyan importansya ang mga OFWs sa kanyang SONA. Limang SONA na ang nakararaan ngunit ni minsan walang nabanggit si P-Noy kahit man lang word na “OFWs”.
Dalawa lang ang ibig sabihin nito. Hindi pumapasok sa isip ni Binay na sabihan si P-Noy na banggitin niya ang mga OFWs sa kanyang mga SONA o di kaya – sinabi niya pero hindi siya pinakinggan o pinansin.
Ngayon tungkol naman sa pagiging SHUD niya, libo pa rin ang mga walang housing ng Yolanda victims, at yung ibang nagkaroon na ng housing ay winasak ni Bagyong Ruby.
Housing czar kuno si Binay, pero bakit hindi niya pinakikusap ang mga nagsilago na mga housing developer na pinapahiram niya nang malalaking pondo galing sa Pag-IBIG kung saan siya ay Chairman, na mag-ambag ambag kahit papaano para makadagdag sa pangangailangan ng Yolanda victims.
“Corporate social conscience” ang tawag dito. Kahit na diyan sa Makati City na hinawakan ng mga Binay ng apat na dekada, nabansagang corporate capital of the Philippines, may naririnig ba tayong appeal for corporate social conscience na galing kay Senyor at Dayunyor Binay para sa mga higanteng mga corporation na magdonate sa mga Yolanda victims? O baka naman may mga “donor fatigue” na ang mga negosyante sa Makati ng kalalagay in cash and in kind tulad ng buong floor ng mga condo o office building.
Kaya Sir, enough na ha?