MAKALIPAS ang isang taon matapos hagupitin ni Yolanda ang Western Visayas bumangon ito sa sariling sikap. Ngunit hindi nangangahulugan na hindi na sila dapat bigyan ng tulong financial dahil nanggaling ito sa taxpayers at international fund. Unti-unti nang nabubura ang bakas ng bagyo subalit nasa isipan pa ng mga residente kung paano sila tinalikuran ng national government noong kumakalam ang kanilang sikmura. Mas inuna noon ang Tacloban, Leyte dahil nakatutok doon ang media. Di tulad sa Iloilo, Capiz, Aklan at Antique na bagsak ang communication at walang nag-cover ng live nang manalasa ang bagyo. Kaya ang kapalaran ng mga Ilonggo, Aklanon at Antinquenos ay hindi nabalita, natural na huli rin ang ayuda sa kanila. Subalit hindi nagpatinag ang mga taga-Western Visayas. Sila-sila ang nagsalba sa kapwa sa pamamagitan ng pagtulong mula sa kanilang ipon at imbak na pagkain. Makalipas ang apat na araw, nagdatingan ang tulong mula Canadian government --- pagkain, gamot, inumin at tent. Kasi, ang tulong ng local government noon ay kapiranggot lamang. Karampot lang ang kanilang budget. Kaya sa pamamagitan ng pagtutulungan ng Canadian at local officials ng W. Visayas nahikayat ang non-government organization na tumulong.
Doon na nakatikim nang alwan sa relief goods at ayudang pangkabuhayan at nagkaroon ng media exposure. Ito ang naging daan upang mangalap ng impormasyon ang national government sa sinapit ng mga taga-Western Visayas. Kasi nga kung ang relief goods sa Tacloban, Leyte at Cebu na nagkandawala at nagkanda-bulok, sa Western Visayas naman ay puro listahan lamang ng mga nasirang ari-arian ang kinuha ng DSWD at DILG. Subalit nitong Linggo lamang nakatanggap ako ng mga tawag, dininig na umano ng DSWD at DILG ang karaingan ng mga taga-Western Visayas. Ewan ko lang kung bahagi ito ng P50-bilyon pondo para sa Yolanda victims. Kasi nga magbibigay umano ang DSWD ng partial P10k sa bawat pamilyang nasiraan ng bahay habang hinuhokus-pokus pa ang kabuuan sa P30k. Ang masakit mukhang may “dagdag bawas” din sa financial assistance dahil ayon sa aking mga kausap, may mga residente pala ang hindi mabibigyan ng tulong dahil wala ang kanilang pangalan sa listahan ng DSWD. Lumalabas kasi na ang magkaiba ang listahan ng DSWD at barangay officials. Calling DILG secretary Mar Roxas at DSWD secretary Dinky Soliman, pakibusisi ang kaduhapangan ng ilang opisyales sa Western Visayas. Kailangan pa ba ang pulitika sa pagbibigay ng tulong? Ang mabuti ninyong gawin ay ipasuri ang mga listahan ng barangay chairman at local DSWD upang maging patas ang pamumudmod ng tulong mula sa pamahalaan at donasyon ng International Communities. Abangan!