Amalilio kinakanlong pa rin ng Malaysia

NILOKO ang Pilipinas ng gobyerno ng Malaysia. Pinalaya na nila nu’ng Nobyembre si Manuel Amalilio matapos ang halos dalawang taong sentensiya nito sa fake passport sa Sabah. Pero hindi nila ito dineport sa Pilipinas, para rito naman siya humarap sa kasong panlinlang nu’ng 2012 ng P12 bilyon mula sa 15,000 Pilipino, karamiha’y Muslim tulad ng Malaysians. Kesyo raw nagbago ang isip ng Ministry of Home Affairs tungkol sa pag-extradite sa tao na wanted sa Pilipinas. Kaya, hayan, nakatunganga ang mga pulis, korte, at biniktima ni Amalilio sa Pilipinas.

Masyado kasing nagtiwala ang Pilipinas sa salita ni Prime Minister Najib Razak. Inalerto na tayo nu’ng Enero 2013 ni opposition leader Anwar Ibrahim. Binunyag niya (sa akin) na pamangkin si Amalilio nina Foreign Minister Anifah Aman at Sabah Chief Minister Musa Aman. Kinakanlong si Amalilio ng dalawang kapartido at kapwa-tiwali na PM Najib. Kaya huwag asahang tutulong sila sa hustisya sa Pilipinas.

Dapat mag-ingay ngayon sina Justice Sec. Leila de Lima, Interior Sec. Mar Roxas, at Foreign Sec. Albert del Rosario. Kumbinsihin nila si President Noynoy Aquino na patuparin si Najib sa usapan, imbis na panaigin ang pulitika. Magkapit-bansa at ekonomiya ang Pilipinas at Malaysia, kapwa lahing Malay, magkasama sa ASEAN kung saan uupong chairman ang Malaysia sa 2015, at tinulungan ng Pilipinas laban sa panggugulo ng paksiyong Misuari ng Moro National Liberation Front.

Humalaw sana ng leksiyon ang Pilipinas sa New Zealand. Nito lang nakaraang linggo, naipabalik ng NZ ang isang Malaysian diplomat para humarap sa kasong sexual assault at burglary. Matapos ihabla nu’ng Mayo ang diplomat, nilisan nito ang NZ sa palusot na diplomatic immunity. Pero iginiit ng NZ sa Malaysia na dapat pa rin ito managot sa krimen. Kaya makalipas ang anim na buwan dineport siya ng Malaysia.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

 

 

Show comments