ISANG katotohanan na makupad ang usad ng katarungan sa bansa. Mantakin ninyo na inabot ng labingwalong taon bago maibaba ng hukuman ang hatol sa mga responsible sa malagim na pagkasunog ng Ozone Disco noong pang March 19, 1996. Justice delayed is justice denied.
At heto pa ang isang klasikong halimbawa ng napa-kakupad na pag-usad ng hustisya. Ang Maguindanao massacre na nangyari noon pang November 23, 2009 o lampas nang limang taon ngayon. Naganap noong panahon ni dating Presidente Gloria Arroyo at nang maupong Pangulo si Noynoy Aquino ay tiniyak niya ang mabilis na pagresolba sa karumaldumal na krimeng ito. Pero wala pa ring liwanag na nakikita ang sambayanan tungo sa ikalalapat ng katarungan sa mga may kagagawan nito.
Ito ba’y dahil ang mga naaakusahan ay mga bigating tao. Impluwensyal at hitik sa salapi? Mantakin ninyo na mahigit sa 50 katao ang sabay-sabay pinatay sa karu-maldumal na paraan na ang karamihan sa mga ito ay mga kagawad ng media. Sa kabila ng mga nagdudumilat na ebidensya ay bakit tumatagal nang ganito ang paglilitis sa kaso?
Hindi lamang mga Pilipino ang nagsusumigaw para sa katarungan kaugnay nito kundi ang buong mundo.
Kinalampag ng International Federation of Journalists (IFJ) ang PNP-Task Force Usig sa mabagal na pag-aresto at imbestigasyon upang mabigyan ng hustisya ang 32 mamamahayag na kabilang sa 58 biktima ng Maguindanao massacre may limang taon na ang nakalilipas. Hindi lamang pulisya ang dapat kalampagin kundi pati ang kabuuan ng ating justice system. Sabi nga ng IFJ, “the justice system in the Philippines is too slow, clearly there is a need for reform in the judicial process.”
Nakalulungkot isipin pero totoo na naging kultura na sa ating bansa ang kawalan ng pagpaparusa sa mga nagkakasala. Ito’y totoo lalu pa’t ang mga nasasangkot ay yaong mga taong impluwensyal at masalapi.
Hindi katakataka na pati ang pag-salvage sa mga hinihinalang kriminal ay laganap sa ating bansa. Maaaring gawa ito ng mga taong wala nang tiwala sa sistema ng katarungan sa ating bansa kaya inilalagay ang batas sa sarili nilang kamay.