EDITORYAL – 5 taon nang nauuhaw sa pagkakamit-hustisya
GINUGUNITA ngayon ang ika-5 taon ng karumal-dumal na Maguindanao massacre. Limang taon na pero nauuhaw pa rin sa hustisya ang mga naulila ng biktima nang pinakamadugong pangyayari sa buong mundo na may kaugnayan sa election. Nobyembre 23, 2009 nagwakas ang buhay ng 58 katao (32 rito ay mga miyembro ng media). Hindi akalain ng mga biktima na ganun karahas ang kanilang sasapitin. Patungo sa bayan ng Ampatuan, Maguindanao ang convoy na kinabibilangan ng asawa, kaanak, supporters ng kandidatong si Ismael Mangudadatu para mag-file ng kandidatura sa pagka-governor, subalit pagsapit sa Shariff Aguak, hinarang sila ng may 100 armadong kalalakihan at walang awang pinagbabaril. Matapos matiyak na patay na lahat ang nasa convoy, inilibing ito sa nakahandang malalim na hukay. Nasa site pa ang backhoe na ginamit sa paghuhukay.
Sinampahan ng kaso ang Ampatuan clan (nasa 15 sila) at 182 iba pa dahil sa pagpatay. Kasalukuyan silang nakakulong at dinidinig ang kaso.
Kung kailan matatapos ang kaso at matitikman ng mga naulila ang hustisya, ito ang malaking katanungan sa kasalukuyan. Marami sa mga kaanak ng biktima ang nawawalan ng pag-asa na makakamtan ang hustisya. Ayon sa mga legal expert, aabutin nang mahabang panahon bago magkaroon ng desisyon ang kaso. Maraming taon pa umano ang bibilangin bago ganap na makita ang liwanag sa kasong ito.
Nirereklamo ang usad pagong na pagdinig sa kaso. May nag-aakusang “nababayaran” daw ang prosecutors. Nirereklamo rin ang pagbabawal sa mga mamamahayag na masaksihan ang paglilitis.
At ang isang pangamba ng mga naulila, unti-unting pinapatay ang mga testigo sa karumal-dumal na krimen. Noong Martes, pinagbabaril ang dalawang testigo sa Shariff Aguak habang nakasakay sa motorsiklo. Namatay ang isa at malubang nasugatan ang kasama. Ayon sa mga testigo, maaaring kakilala ng mga biktima ang nang-ambus.
Sabi ni Justice Secretary Leila de Lima, gumugulong daw ang hustisya para sa mga biktima. Inamin niyang mabagal pero gumagalaw at malulutas din ang kaso. Sana nga mangyari ito. Sana bago maubos ang mga testigo ay magkaroon ng katarungan ang malagim na pagpatay.
- Latest