IBA’T IBANG uri ang makakaharap mo kung pag-usapan ang latest tungkol kay Vice President Jejomar Binay. Nariyan ang mga hindi magbabago ang isip – kesyo naniniwala sila o hindi naniniwala – at nandyan din ang mga naghihintay ng kung saan patutungo ang imbestigasyong ginaganap sa Senado.
Maski doon sa nirereserba ang hatol hangga’t hindi napapakinggan ang lahat ng facts, mayroong nagpapadala sa mga akusasyong pinupukol sa Senado. Di bale at walang napapakinggang paliwanag mula sa kampo ni VP. Mayroon ding marami na hindi magpapasiya hanggat hindi napapakinggan ang panig ni VP.
Doon sa mga nagtitiwala sa proseso, medyo natauhan sila nang marinig ang hayagang intensyon ni Senador Antonio Trillanes na ang kanyang tunay na pakay ay ang makitang nakakulong si VP Binay. Nang marinig ng lipunan ang ganitong bitaw ng senador, marami ang napailing. Ang inaakalang seryoso at walang pulitika na pag-imbestiga ay nabulgar na huwad pala ang intensyon.
Lalong nagpaasim sa sikmura ang sunod na binitiwan ni Senador Trillanes tungkol sa aniya’y partisipasyon ni VP Binay sa Manila Peninsula Siege. Kapag pinapaalala ng senador ang kanyang pasaway na nakaraan, hindi maiwasang madiskumpyado sa intensyon ng senador.
Higit dito, ang kanyang pagdawit kay VP Binay na kunwa’y kasama niya sa pagplano ng rebelyon ay mahirap lulunin. Ang tanging magpapatunay dito ay ang kumpirmasyon mismo ni Trillanes. Paano naman ito magiging kapani-paniwala gayong deklarado ang senador na may misyong ipakulong ang VP? Nawala ang timbang ng kanyang mga akusasyon. At ang malala, ang reputasyon ng Senado bilang institusyon ay apektado din dahil nagagamit sa huwad na interes.
Lahat tayo ay interesadong malaman ang katotohanan. Subalit dapat ay handa tayong magpasensya hangga’t ang mga proseso ukol dito ay nasusunod.
Mukhang hindi na yata matututunan ng iba ang pasensya at respeto sa batas.