Nang ikaw ay kunin ng Dakilang Ama
puso ko’y nabiyak at ako’y lumuha;
at ngayong sa buhay ako’y nag-iisa
masayang araw lang ang ginugunita!
Bulaklak, kandila saka mga dasal
ang tanging dala ko sa iyong libingan;
sa iyong tinungo na kabilang-buhay
sana’y sumaiyo ang kapayapaan!
Diyan sa libingang malamig na lupa
damhin mo ang aking matapat na sumpa;
ang init ng aking tapat na adhika
ang iyong kapiling sa tuwi-tuwina!
Alam kong nang ikaw sa aki’y lumayo
naging matapat ka sa iyong pangako;
pero batid ko ring malungkot ang puso
nang ako’y lisanin sa mundong baligho!
Paano ngang ikaw ay di malulungkot
sa iyong paglisan ay naghihimutok;
buhay natin noon ay palaging saklot
ng dusa’t pighating hindi ko malimot!
Nang tayo’y magsama tayo’y naghihirap
kapos sa salapi’t buhay na pangarap;
ang ating tahana’y sira’t butas-butas
sa araw at ulan tayo’y umiiwas!
Salamat at ikaw nalibing sa ayos
sa tulong ng ating anak na umirog;
sa iyong lapida luha’y umaagos
pagka’t mga anak sa dusa’y tumapos!
Kung ikaw sa akin ay di lumigaya
sa kabilang buhay sana’y masaya ka;
mga anak, apo, ang laging kasama
sila ang sa akin – bigay mong pag-asa!