NANG nakabili ako ng kotseng hulugan nung araw, ipi-nagmamalaki ko na’ng akin ang sasakyan kahit hinuhulugan ko pa. Ganyan naman talaga hindi ba? Kahit hulugan ang bahay mo, kung doon ka na nakatira ay sa iyo na iyon.
Pero sa isyung ito tinangkang ipitin ang negosyanteng si Antonio Tiu sa sinasabi niya na sa kanya ang malawak na lupain sa Batangas at hindi kay VP Jojo Binay tulad ng ipinaparatang ni dating Vice Mayor Mercado. Nalaman kasi sa Senate probe na wala pa sa kamay ni Tiu ang titulo ng lupain dahil hinuhulugan pa lang.
Diyan tinangkang ikorner si Tiu ni Sen. Antonio Trillanes. Pero kalmado si Tiu. Sa palagay ko at nang ibang nakausap ko, walang problema kung ariin mong iyo ang ano mang property na hinuhulugan mo na.
Sa Senate Blue Ribbon sub-committee, kalmado si Tiu sa pagsagot sa mga tanong para patunayan na ang Sunchamp Realty niya ang may-ari ng isang agro-tourism park sa Rosario, Batangas na tinatawag na “hacienda Binay”.
Sa pagtatapos ng hearing ay pinasalamatan pa ni Sen. Alan Peter Cayetano ang negosyante sa pagkukusang dumalo sa hearing. Walang napatunayang kay Binay ang lupain. Sa mata ng publiko, puro haka-haka ang mga paratang ni dating Makati Vice Mayor Ernesto Mercado dahil hindi nabutasan ang paper trail ng pagkaka-acquire ng Sunchamp nang hulugan sa Rosario property.
Ani Tiu, nai-turnover na sa Sunchamp ang property nang makapag-downpayment sila ng P11 milyon at ma-cover ng postdated checks ang kabuuang value ng property na mahigit P400 milyon.
Marami rin ang nakapansin na tila nalito si Senator Cayetano dahil hindi niya agad naintindihan na hindi magkakilala si Tiu at si Laureano Gregorio, ang seller ng Rosario property, at napaglapit lang silang dalawa bilang buyer at seller dahil may common lawyer sila sa katauhan ni Martin Subido.
Ngayon, plano raw ihabla ni Tiu si Trillanes at hingan ng P4 milyong moral damage. Karapatan ni Tiu iyan dahil kung ako’ng nasa kalagayan niya, maiinsulto ako kapag may nagsabi na dummy ako ng ibang tao at hindi ang tunay na may-ari ng pinaghirapan kong negosyo.
Hindi nagpasindak si Antonio Tiu kay Trillanes.