KUNG may isang bagay na nakamit ang Mindanao ‘Treevolution’ simultaneous tree planting noong Biyernes ng umaga, ito ay ang pinakita ng mga taga Mindanao na kaya nilang magbuklud-buklod at magkaisa sa layunin na makatulong sa kalikasan.
Hindi na nga mahalaga kung naabot o hindi ang 4.6 million na target na natanim na seedlings sa pamamagitan sana nito ay masungkit ang Guinness Book of World Records mark para sa most number of trees simultaneously planted in different areas.
Ang usapan ay wala na sa kung ilan ang punong natanim ngunit kung sinu-sino ang sumali at nakiisa sa panawagang magtanim ng puno.
Libu-libong Mindanaoan ang tumugon sa pananawagan at napakagandang tanawin at isipin na kaya ng mga katimugan na magkaisa. ‘Ika nga MindanaONE, dahil sila ay ‘acted as one’.
Hindi na malayo na magkaisa pa rin ang Mindanaoan sa kahit ano pa mang ibang bagay lalo na sa usaping kapayapaan at progreso. Kahit anuman hangarin ay makamit kung magkaisa ang mga Mindanaoan.
Ngunit dapat ding isipin ng Mindanao Development Authority at ng Department of Environment and Natural Resources na slang mga lead agencies sa Treevolution na and pagtatanim ng puno ay hindi lamang pang ‘one-time, big-time’ deal na pang photo-ops lang din.
Sana naman ang mga nasabing ahensiya ng pamahalaan ay mag-isip pa ng iba pang paraan o anong programang puwedeng magbuklod uli ang mga Mindanaoan.
At dapat din nga palang magpasalamat ang DENR sa MinDA na siyang naging secretariat, convenor at talagang lead agency sa pagpatupad ng Treevolution na kung tutuusin ito ay parte ng kanilang National Greening Program.
Ito nga ang siste---- Pinangambahan na hindi mare-release yung budget ng DENR kung hindi nito masakatuparan ang NGP target sa taon na ito.
Kaya nagkakandakumahog ang DENR at hiningi ang tulong ng MinDA para sa Treevolution.
Ambisyoso lang talaga masyado ang DENR sa target nitong 4.6 million seedlings ang maitanim noong Biyernes sa pagitan ng 8:30 a.m. at 9:30 a.m. o sa loob ng isang oras lamang.
Kaya bago ang lahat, ito ay para sa DENR--- Mag ‘THANK YOU’ naman kayo sa kinauukulan, lalo na sa ilang libong nagbabad sa init ng araw at naglakad ng ilang oras at ilang bundok at tumawid ng ilang ilog bago narating ang mga planting sites.
May mga nagutom, may mga hinimatay at may mga pinaghinaan ng loob at ng stamina sa mga participants.
Ngunit kahit paano ay pinakita ng Mindanaoans na kaya lahat basta’t nagkakaisa.