‘Basag ang mukha’ Unang bahagi
ISANG MAAYOS na kwento. Guluhin mo ang pagkasalansan ng mga pangyayari, iba na ang magiging takbo ng storya.
Naliligo sa sariling dugo, bagsak na ang mga mata, putok ang kaliwang kilay, pagang-paga ang mukha at hinang-hina ang katawan.
Ganito natagpuan ni Michelle ang kanyang asawa. “Tumawag ka ng tulong binubugbog asawa mo!” sigaw sa kanya ng bayaw. Ito ang mga katagang gumising sa kanya.
Naglakad sa kalsada si Michelle habang sinisigawan ang kanyang ina na itago ang kanyang anak.
“May narinig akong tumawag sa aking honey. Hinanap ko kung saan nanggaling yung boses. Dun ko na nakita ang asawa ko,” salaysay ni Michelle.
Ika-10 ng Nobyembre 2013…nang matagpuan ni Michelle Umali, 32 taong gulang ang asawang si Galahad Jerome sa likod ng pulang trak sa kanilang subdibisyon na Ciudad Grande sa Pasig City.
Dinala nila sa Medical City si Galahad para maipagamot.
Sinabihan sila ng doktor na kailangang sumailalim sa ‘reconstructive surgery’ si Galahad.
Lalagyan ng bakal sa ibaba ng mata dahil nasira ang sumusuporta dito. Dumudoble na rin daw ang kanyang paningin.
“Nagpunta ang bayaw ko sa istasyon ng pulis sa Pasig at nagpablotter siya. Sabi raw kailangan ang asawa ko mismo ang magsadya dun para magbigay ng salaysay,” pahayag ni Michelle.
Mabuti na lamang raw at ang ninang nila sa kasal ay dumalaw sa ospital. May kakilala itong opisyal at kinwento kung ano ang nangyari.
“Ilang minuto lang matapos maibaba ang telepono tumawag sa akin ang nakatalagang pulis. Nagpapasundo na sa presinto at kukunan na raw ng salaysay ang mister ko,” wika ni Michelle.
Nuon pa lamang kumilos ang mga pulis at nagpunta sa Ospital.
Ayon sa ulat ng pulis, naglalakad si Galahad kasama ang ilang kaibigan habang mabilis na nagmamaneho ng ‘Starex Van’ si Jardine Ting at muntik na mabangga si Galahad. Nagpatuloy sila sa paglalakad at nang pabalik na sila ang nasabing van ay nakaparada sa harapan ng bahay ng mga Ting. Sa pagkakataong yun nagtanong si Galahad kay Jardine sa malakas na boses. “Bakit mo kami babanggain kanina?”
“Anong problema mo?! Diyan ka ba nakatira kay Mr. Cruz?” sagot ni Jardine.
Nagsimula ang sagutan sa pagitan nila. Sina Jerome Ting, Jude Ting kasama ang kaibigang si Mark Ong ay lumabas din ng nasabing bahay at pinagtulungan umanong bugbugin si Galahad. Maging si Jesulito ay nabugbog din ng mga ito nang lumapit siya upang tulungan ang kapatid.
Matapos makunan ng salaysay ng pulis si Galahad agad itong nagsampa ng kasong “Frustrated Homicide” at “Physical Injuries” laban kina Jerome, Jardine at Jude Ting.
Mariin naman ang ginawang pagtanggi ng mga akusado tungkol sa umano’y pambubugbog nila. Ayon sa pinagsama-samang kontra-salaysay nina Jerome, Jardine at Jude galing daw sila sa isang ‘dinner meeting’ sa Libis, Quezon City bandang 12:15MN ng nasabing petsa.
Nang papakanan daw sila sa kanto ng Rome at Melbourne sa Ciudad Grande nakita nila ang limang katao na lasing, nagsusuntukan, nagpapaluan at nagrarambolan. Binusinahan niya ito dahil nakaharang sa daan. Kinagalit umano ito ng grupo at sinundan sila pauwi. Habang lulan sina Jardine at Jude ng Starex Van may pumukpok at sumisigaw sa kanila.
“P@$ang ina niyo, bumaba kayo diyan mga duwag!”
May narinig daw silang pamilyar na tinig at nang tingnan ni Jude ay ang kaibigang si Mark Ong ang nandun. Ito raw ang kaaway at karambolan ng mga nasabing lasing na lalaki.
Iniinda pa raw nung mga panahong yun ni Jude ang pilay ng kanyang kaliwang kamay, pagdating ng bahay agad siyang bumaba ng sasakyan. Naabutan daw sila ng mga lasing kaya’t agad na binuksan ng kanyang kapatid na si Jardine ang gate. Pumasok at ginising ang amang si Jerome.
Lumabas daw si Jerome at sinigawan lang ang mga humahabol at agad nang nagpulasan ng takbo.
Naiwan raw si Mark Ong sa kanila at sinabing pinagtripan siya ng mga lasing. Tinanong ito ni Jardine kung ano ang dahilan.
“Lasing sila kuya Jards. Nasuntok ako pero nakasuntok din ako. Pero ang nakakatawa dahil sa kalasingan nila, di nila namamalayan na sila mismo ang nakakasakit sa kanilang mga kasamahan.”
Wala raw katotohanan na sila nina Jardine, Jerome at Jude ang sumuntok sa nasabing biktima. Sila pa umano ang hinabol sa harap ng kanilang bahay.
Pagdating ng alas-9:00 ng umaga ng nasabing araw habang sila ay nasa bakuran ng kanilang bahay ay dumating daw itong si Jesulito na may kasamang taga barangay at tinanong kung kasama sila sa mga sumuntok sa kanila. “Wala sa kanila” ang umano’y naging sagot nito. Ang labasan din daw ng kanilang subdibisyon ay malayo sa kanilang bahay. Ang mga tinamo raw na sugat ng mga nagrereklamo ay posibleng galing sa rambolan. Nakakapagtaka lang daw na sila ang nirereklamo gayung si Mark Ong lang ang kaaway ng mga ito. May patunay din daw siya na ang natamo niyang pinsala sa kamay ay bago ang nasabing insidente.
Ang kasamahan naman ng mga akusado na si Mark Ong ay nagbigay din ng kanyang salaysay. Papasok na raw sila nina Jardine at Jude sa Ciudad Grande nang muntik nilang mabangga si Galahad. Huminto si Jardine at nagbaba ng bintana at sinabihan nila itong huwag ng pansinin.
“Dumiretso na kami sa bahay nila. Pagdating dun dinala ko ang binili naming beer sa refrigerator at may narinig na lang akong sumisigaw,” ayon kay Mark.
Paglabas niya may nagkakagulo na sa labas sina Jerome, Jardine, Jude, Johnny, Galahad Richard at Ian Felipe. Nakita na lang niyang sinuntok ni Jerome si Galahad.
“Tumakbo ako para awatin ngunit pag-awat ko nakita kong sinundan ng suntok ni Jude si Galahad habang hawak siya ni Jardine,” salaysay ni Mark. Binitawan niya si Jerome para pigilan si Jude ngunit nakita niyang sinuntok ulit ni Jerome si Galahad. Hinila ni Johnny Ting si Jerome para pigilan ang kapatid.
Galit na galit na ang mga ito kaya’t hindi niya ito maawat. “Patuloy pa nilang pinagsusuntok si Galahad hanggang sa may sumirit nang dugo sa short ko. Pumutok na ang mata niya,” ayon kay Mark.
ABANGAN sa Miyerkules ang iba pang mga detalye sa madugong engkwentro ng pamilya Ting at ni Galahad. EKSKLUSIBO rito lang sa Calvento Files PSNgayon.
(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.
Hotlines: 09213263166, 09198972854
Tel. Nos.: 6387285, 7104038
www.facebook.com/tonycalvento
- Latest