Mahalaga ang kasaysayan
NAPANOOD ko sa History Channel ang isang dokumentaryo ukol sa World War 2. Nabanggit doon na ang siyudad ng Maynila ay ang “second most devastated city in World War 2, second only to Warsaw, Poland”. Nasira nang husto ang siyudad nang makabalik si Gen. Douglas McArthur sa Pilipinas, at tumulak patungong Maynila para mapalaya na ang bansa sa mga Hapones. Pero ang kapalit nga ng kalayaan ay pagkawasak ng siyudad.
Ito rin ang dahilan kung bakit wala na masyadong mga lumang gusali sa Metro Manila na itinayo noong panahon pa ng Kastila. Mabibilang na lang ang mga lumang bahay at istruktura. Baka sa mga lalawigan na lang makakakita ng mga lumang tahanan, gusali at kalsada.
Kaya maraming mahilig sa kasaysayan at pag-aalaga ng ating nakaraan ang nagagalit sa ilang mga pangyayari ngayon. Isa na rito ang Torre de Manila na itinayo sa likod ng Rizal Monument. Ayon sa mga kritiko, masisira ang pagtanaw sa Rizal Monument dahil makikita ang Torre de Manila na higit 40 floors. Kung noon ay solong-solo ng monumento ang tanawin, hindi na ngayon. Kaya may mga panawagan na itigil ang pagtatayo ng condo. Hindi ko lang alam kung may mangyayari sa panawagan na ito at tila may basbas ng siyudad ng Maynila ang pagtatayo.
May plano ring tanggalin ang Anda Circle para maging mas maluwag daw ang trapik. Ayon sa DPWH, wala naman daw makasaysayang halaga ang monumento. Ang Anda Monument ay itinayo noong 1871 sa tabi ng Pasig River. Inilipat ito sa kasalukuyang lokasyon pagkatapos ng World War 2. Ililipat naman daw sa ibang lugar ang monumento.
Naaalala ko rin ang Carriedo Fountain sa Sta. Mesa noong araw, kung saan nakatayo ang Nagtahan flyover ngayon. Inilipat sa Sta. Cruz. Ilang halimbawa lang ito ng unti-unting pagkawala ng mga makasaysayang istruktura. Narinig ko na noon na ang Pilipino ay hindi maalaga sa kasaysayan. Sana naman hindi totoo iyan. Mahalaga ang kasaysayan. Mahalaga na makita pa ng ating mga anak at susunod na henerasyon ang mga tanawin, istruktura at gusali na may kaugnayan sa ating kasaysayan. Kapag nasira na, hindi na maibabalik iyan.
- Latest