HINDI bumubuti kundi lalo pang nadadagdagan ang aberyang nangyayari sa Metro Rail Transit (MRT). At maraming nagtatanong kung hihintayin pa ba ng mga namamahala sa MRT na may malagim na mangyari bago asikasuhin ang problema?
Mula nang salpukin ng train ng Metro Rail Transit ang barriers sa EDSA-Taft Station noong Agosto 14, sunud-sunod na ang mga kapalpakang nangyari. Hindi na mapigil ang pagkasira. Madalas nang tumigil ang mga train sa kalagitnaan ng biyahe. Mayroong train na umuusok na ikinatakot ng mga pasahero. Mayroong drayber ng train na pabigla-bigla kung magpreno kaya nauuntog ang mga pasahero. At marami pang pangyayari na nagdudulot ng pagkainis at pagkagalit ng commuters sa mga namamahala sa MRT. Minamantini pa ba ang MRT?
Ang matinding aberya na nararanasan ngayon sa MRT ay ang biglang pagbukas ng pinto nito habang tumatakbo. Ayon sa report, dalawang beses nangyari ang pagbukas ng pinto sa magkaibang train. Nangyari ang pagbukas ng pinto sa northbound train noong Martes ng hapon habang nasa kalagitnaan ng Taft at Magallanes Stations. Nang bumukas ang pinto, kusang tumigil ang train at manu-manong isinara ng drayber. Pero muli itong bumukas habang papalapit sa Ayala Station kaya pinababa na ang mga pasahero at inilipat sa ibang train.
Ang ikalawang MRT train na nagbukas din ang pinto ng araw ding iyon dakong 8:45 ng gabi ay naganap naman habang nasa pagitan ng Boni at Guada-lupe Stations. Biglang bumukas ang pinto at ayaw na itong magsara kaya pinababa rin ang mga pasahero.
Mapanganib na ito. Paano kung maraming pasahero sa pintuan at nagkataong nasa mataas na posisyon ang train, o kaya’y pakurbada, maaaring may mahulog at may mamatay. Nasa 500,000 ang pasaherong sumasakay sa MRT araw-araw.
Bakit hindi agarang isaayos para maserbisyuhan ang publiko. Maawa naman sa commuters na kalbaryo na ang nararanasan sa pagsakay. Naniniwala kami na napapabayaan na ang MRT. Hindi na ito sumasailalim sa regular maintenance kaya naglalabasan na ang depekto.
Huwag nang hintayin na may mangyari pang malagim sa MRT bago kumilos ang Department of Transportation and Communications (DOTC). Maawa sa mga tumatangkilik sa MRT.