KUNG sa EDSA ay mga naghambalang na bus ang problema, mga truck naman ang nagbibigay ng problema sa maraming lansangan sa Metro Manila. Mabuti pa ang mga bus at sa EDSA lang nagiging sagabal hindi katulad ng mga truck na halos lahat nang kalsada ay apektado ngayon ng trapik. Dati ay sa paligid lamang ng port area, nagbibigay nang pasakit at nagiging kalbaryo ng mga motorista at commuters, ngayon pati ang Roxas Blvd., NLEX, Mindanao Ave., Bonifacio Avenue, C3 at C5 ay apektado na rin nang matinding trapik dahil sa mga naghambalang na truck. Kahit may sariling lane ang mga truck, inuukopa na ng mga ito ang para sa mga private vehicle. Dahil dito, nagkakabuhul-buhol ang trapiko at wala namang magawa ang MMDA traffic enforcers. Mas lalo pang tumindi ang trapik nang wala nang traffic enforcers na magmantini sapagkat iniwan na ang kanilang trabaho. Mas matindi ang trapik sa gabi sapagkat kanya-kanya nang diskarte ang mga truck driver – matira ang matibay sa kalsada.
Nakapagtataka naman na matagal nang may pagbubuhol ng trapik dahil sa mga truck ay ngayon lang nagkaroon ng direktiba ang Malacañang para isaayos ang trapiko. Ngayon lang nagkaroon ng ngipin para sabihin sa mga truckers na kunin na ang kanilang container at kung hindi ay ibabalik ito sa Subic o Batangas port. Sabi ng Malacañang, simula Setyembre 8 ay dapat kunin na ang mga container sa Manila Port para mabawasan na ang mga nagpapasikip doon. Walang ibang dahilan nang pagsisikip ng trapiko sa paligid ng Manila Port kundi ang mga truck na kukuha ng mga container. Nananawagan ang pamahalaan sa mga negosyante at truckers na huwag gawing warehouse ang port para maiwasan ang pagsisikip dito.
Ngayon lang nangyari na naghatid ng kalbaryo ang mga truck sa mga motorista. Dati naman, walang nangyayaring pagsisikip at wala ring pila ng mga truck na pati ang NLEX ay nagmistulang malaking paradahan dahil sa napakaraming truck na nakapila patungong Port Area.
Sana nga totoo ang sinabi ng Malacañang na sa loob ng dalawang linggo ay mawawala na ang pagbubuhol-buhol ng trapiko. Luluwag na raw ang port of Manila dahil hahakutin na ang lahat nang container. Sana nga. Marami nang nasasayang na pera dahil sa trapik. Ito na nga sana ang solusyon.