UGALING manlinlang ng matataas na opisyales sa Dept. of Agriculture. Kita ito sa P1.08-bilyong overprice sa cargo handling ng 800,000 tonelada na angkat na Vietnam rice ng National Food Authority nitong 2014.
In-expose ko ang anomalya nu’ng Mayo. Ipinilit nina Sec. (NFA chairman) Proceso Alcala at noo’y-administrator Orlan Calayag na kontratahin ng Vietnam ang paborito nilang cargo handler. Labis nang $30 per ton kumpara sa market rates ang singil ng Avega Bros. Shipping Corp.; kabuoang P1.08 bilyon ang overprice ($30 x 800,000 x P45).
Nang usisain ito ni Presidential Assistant Kiko Pangilinan, pinag-bulaan nina Alcala at Calayag si kasapakat na Dennis Guerrero. Kesyo raw Vinafood ang pumili ng Avega bilang cargo handler. “Walang papel ang NFA sa kumpanya sa Makati,” aniya. “Basahin niyo ang kontrata.”
Taliwas ito sa nakasaad sa bidding at kontrata. Ayon sa papeles, dapat pumili ang Vinafood ng cargo handler mula lang sa listahan ng mga in-accredit ng NFA. At iisa lang ang nasa listahan -- ang Avega -- kaya obligado ang Vinafood na kunin ito. Avega lang ang nakasali sa accreditation process ng NFA, dahil sa alituntunin na ang may karanasan lang nang limang taong tuloy-tuloy na pagkarga ng NFA rice ang maari mag-apply; e, Avega lang din ang kinontrata ng NFA nitong dekada. Si Calayag ang pumirma ng kontrata, na benditado ni Alcala.
Nu’ng Mayo nag-resign sina Calayag at special aide Guerrero mula sa NFA, para kuno maka-takeover si Pangilinan. ‘Yun pala, nilipat sila ni Alcala sa DA bilang assistant secretary at chief of staff, para siraan ang paglilinis ni Pangilinan sa nabubulok na ahensiya.
Sa pagpasok pa lang ni Calayag sa NFA nu’ng Enero 2013, nanlinlang na siya at si Alcala. U.S. citizen siya noon, kaya unqualified mag-food security chief, pero nag-dual citizenship siya para makalusot.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).