EDITORYAL - Dapat malaman ang katotohanan
MULA nang hayagang sabihin ni Vice President Jejomar Binay noon na kakandidato siya sa mataas na posisyon sa 2016 elections, naglabasan na ang mga mabibigat na isyu hindi lamang sa kanya kundi pati sa kanyang anak na kasalukuyang mayor ng Makati City. Pero higit na nakakaladkad ang pangalan ni VP Binay sa isyu sapagkat siya nga itong may hinahangad na mataas na posisyon. At ang sabi ng mga Binay sa isyung ibinabato sa kanila, “pinupulitika” lamang sila. Wala raw katotohanan ang mga paratang sa kanila. Noong Martes, sinabi ng dating vice mayor ng Makati at dating ally ng Vice Presidet, nakatanggap umano ng kickback si Binay noong ito pa ang mayor. Pero ang sabi naman ni VP Binay sa akusasyon ni dating Vice Mayor Ernesto Mercado, pawang kasinunga-lingan ang mga sinabi nito. At muli sinabi ng VP na pinupulitika lamang sila.
Inaakusahan ng corruption si VP Binay dahil sa overpriced na Makati parking building na ipinatayo noong siya pa ang mayor. Ang halaga ng parking building ay P2.3 billion. Ayon sa mga nag-aakusa, ang halaga lamang ng building ay P1.2 billion. Sabi ni Mercado, kung si Binay ay nakatanggap ng kickback sa building, inamin niyang siya man ay nakinabang din.
Sabi ni VP Binay, ginagamit daw ng mga senador ang Senado para i-malign ang kanyang pangalan at pamilya. Ang dalawang senador daw nagdidiin sa kanyang pangalan ay may mga sariling ambisyon. Gusto raw ng mga itong tumakbo sa 2016 kaya siya ang dinidikdik na mabuti. Hindi raw nagiging parehas ang Senado sa pag-iimbestiga. Sabi ni VP Binay, ipapaliwanag daw niya sa tamang panahon at punto por punto ang mga akusasyon. Inaanyayahan ang Vice President sa Senado para susunod na pagdinig sa kaso pero tinanggihan nito ang imbitasyon.
Hindi namin maunawaan kung bakit kailangang tanggihan ang imbitasyon. Kung walang nagawang mali, maaaring masagot nang punto por punto ang mga akusasyon. Magandang pagkakataon na ito para malinawan ang sambayanan sa isyu. Kapag naipaliwanag ang lahat at nalinis ang pangalan, maaaring umangat ang kanyang rating. Dapat tandaan na ang taumbayan ay naghahanap nang mabuti at malinis na lider at dapat niya itong patunayan. Ipakita niya na wala ngang nagawang kasalanan.
- Latest