MAY matandang kasabihan na “absolute power corrupts absolutely.”
Gaano man katapat at kahusay ang isang leader, kapag nanatili sa rurok ay peligrosong malasing sa kapangyarihan.
Si Ferdinand Marcos ay walang dudang magaling na leader, Hinangaan bilang batang pulitiko noon. Matalino at nagpakita ng kalidad ng mahusay na pinuno sa kanyang kabataan. Pero nang maluklok sa kapangyarihan ay ayaw nang bumitiw at ninais maging Pangulo nang habambuhay.
Ayaw na nating maulit ito. Kaya nga ang umuugong na balitang babaguhin ang Konstitusyon upang magkaroon ng term extension si Presidente Noynoy Aquino ay umani at patuloy na umaani ng pagtuligsa mula sa mga mamamayan.
Sa harap mismo ng tahanan ng Pangulo sa Times Street ay nagtipon ang mga ralista upang tuligsain ang balak na baguhin ang Salingambatas at alisin ang probisyong nagtatakda ng limitasyon sa panunungkulan ng Pangulo.
Sigaw ng mga nagsisipagprotesta: “Pakinggan ang iyong ama at huwag tumulad kay Marcos na isang diktador.”
Kung susuriin, tahasang sumusuway ang Pangulo sa adhikain ng kanyang mga magulang. Si yumaong Sen. Benigno Aquino ay lumaban sa diktadurya samantalang si Presidente Cory noon ang nagpasimuno sa pagbabago sa Konstitusyon para bigyan ng term limit ang uupong Pangulo. Totoo na ang pag-aalis ng limitasyon sa poder ng isang leader ng bansa ay magsasapanganib sa demokrasya.
May masaklap na karanasan na ang bansa sa pag-iral ng isang awtokratikong pamumuno. Sabi nila history repeats itself. Okay lang sana kung mabubuting kabanata sa kasaysayan ang mauulit. Pero kung ang mangyayari muli ay ang madidilim na kabanata, ipanalangin nating huwag.
At naniniwala ako na hindi bibiguin ng ating Pangulo ang matibay na adhikain ng kanyang mga magulang na nagpakasakit alang-alang sa preserbasyon ng demokrasya.